Nakita sa isang pag-aaral sa Austria kung gaano katalino ang Goffin's cockatoos na marunong gumamit ng kasangkapan para matapos ang kanilang "trabaho."
Sa video ng Reuters, makikita ang isang Goffin's cockatoos na nasa harapan ng isang ipinasadyang saradong kahon pero may mga butas. May mekanismo ito para maglabas ng cashew nut na kakainin ng ibon.
Pero bago niya makuha ang cashew nut sa kahon, kailangan niya itong sungkitin at itulak gamit ang maliit na bola at stick.
Dahil may abilidad ang naturang uri ng ibon sa paggamit ng mga kasangkapan tulad ng stick, nagawa niya ang pagsubok at nakuha ang kasoy.
"Also, there are two collapsible platforms on both sides where we locate these pieces of cashew, and we randomly locate these pieces of cashew within different trials," ayon kay Antonio Osuna-Mascaro, lead researcher ng University of Vienna, na masayang-masaya sa naging resulta ng kanilang pag-aaral.
Ang sistema na ginawa sa pag-aaral ay hango umano sa paglalaro ng golf.
Bagaman siyam na Goffin's cockatoos ang isinalang sa pagsubok, tatlo ang nagawang makompleto ang pagkuha sa kasoy.
--Reuters/FRJ, GMA News