Nakalaya na sa gulong sa kaniyang leeg ang isang buwaya na suot niya sa loob ng nakalipas na anim na taon sa Sulawasi, Indonesia.
Sa ulat ng Reuters, sinabing maraming residente ang naawa sa buwaya na mahigit 13 talampakan ang laki dahil sa pangamba na masakal siya ng gulong ng motorsiklo.
Pero naging mailap ang buwaya para mahuli at maalis ang gulong sa kaniyang leeg.
Mayroon na rin umanong Australian crocodile wrangler ang nagtangkang alisin ang gulong sa buwaya pero nabigo rin.
Hanggang sa isang residente na natutong manghuli ng buwaya ang matagumpay na mahuli ang hayop at naalis ang gulong.
"I caught the crocodile by myself. I was asking for help from people here but they were scared," ayon kay Tili, 35-anyos.
Gumawa ng basic trap si Tili na ginamitan ng kahoy, tali at pain na buhay na manok at pato.
Tatlong linggo na raw niyang hinahanap ang buwaya at dalawang beses na itong nakaalpas sa inilagay niyang bitag.
"Many people were sceptical about me and thought I was not serious," sabi ni Tili tungkol sa paghuli niya sa buwaya.
Hanggang sa mahuli na nga niya ang buwaya at gumamit siya ng lagare para maalis ang gulong sa leeg nito.
Noong 2020, nag-alok ng pabuya ang mga opisyal sa lalawigan sa sino mang makapag-aalis ng gulong sa leeg ng buwaya.
Pero hindi raw ang pabuya ang nagtulak kay Tili para hulihin ang buwaya.
"I just can't stand to see animals hurt. Even snakes, I will help," ani Tili, na self-taught sa pagsagip sa mga hayop.
Nang maalis na ang gulong, ibinalik ang buwaya sa ilog.--Reuters/FRJ, GMA News