Problema ng ilang kalalakihan ang pagkalagas ng kanilang buhok, na dahilan minsan na maging tampulan sila ng tukso. Ngunit sa pamamagitan pagta-tattoo na tinatawag na micropigmentation, maaari na raw "bumalik" ang nawalang hairline.
Sa ulat ni Ian Cruz sa "Dapat Alam Mo!" ikinuwento ng 41-anyos na si Ron Hernandez na mahilig siya noong sumunod sa usong hairstyle para dagdag "pogi points."
Gayunman, unti-unting nawala ang kaniyang buhok kaya nakaranas siya ng mga pangungutya.
"Tulad ng panot, ganiyan. Pinagtatawanan mo lang pero deep inside, siyempre nakakawala ng self-confidence," sabi ni Hernandez.
Kaya ikinagalak niyang madiskubre ang scalp micropigmentation (SMP), na isang uri ng tattoo na ginagawa sa anit o ulo.
"Ang mga nagpapagawa niyan 'yung mga wala nang hairline. 'Yung mga natitirang buhok niya, doon 'yung kinukuha ko na basis para kopyahin siya," ayon sa scalp micropigmentation artist na si Jhe Tuazon.
"Gagawan ko siya ng hairline na pattern which is kung ano 'yung alam ko talaga adjust tapos later on na lang kami nag-a-adjust. Kumbaga very gradual talaga ang adjustments niya," dagdag pa ni Tuazon.
Mabusisi ang proseso sa bawat tuldok, na tumatagal ng halos dalawang oras ang bawat session ng SMP, depende kung gaano kalaki ang area na kailangang tatuan.
Nagkakahalaga ng P30,000 hanggang P35,000 ang isang full session ng scalp micropigmentation.
Iba rin ang ginagamit na tinta sa SMP kumpara sa karaniwang tattoo.
Samantala, maaari na ring ma-achieve ang "kissable lips" sa pamamagitan ng lip blush o lip tattoo, na aabot ng P8,000 hanggang P10,000 para sa dalawang session.
Ito ang sinubukan ni Irish Bronoso-Velasco, para hindi na raw kumakain ng oras pa ang paglalagay ng lipstick.
Bukod dito, nagpa-tattoo rin si Irish sa kilay. Sa kabuuan, umabot sa P13,00 ang nagastos niya para sa parehong procedure.
"Ang laki rin talaga ng natipid ko pati sa eyebrows, pati sa cosmetics na binibili ko ngayon. Lip gloss lang talaga, kahit na lip balm lang 'yan okay na sa akin," sabi ni Irish.
Inaasahang limang taon tatagal ang scalp tattoo, habang dalawa hanggang tatlong taon naman ang lip blush bago mawala.
Ngunit ligtas naman kaya ang mga ganitong proseso? Alamin ang paliwanag ng mga eksperto sa video.
--FRJ, GMA News