Nagsimula lamang sa maliit na umbok, lumaki na kasinglaki ng bola ng basketball ang bukol sa balakang na nagdudulot ng pasakit sa isang babae sa Davao del Norte. Ano nga ba ang sanhi ng naturang bukol?
Sa programang "Pinoy MD," sinabing ilang taon nang bitbit ng 32-anyos na si Sucel Celeste ang malaking bukol sa kaniyang balakang.
Ayon kay Sucel, 17-anyos siya nang una niyang mapansin ang tila umbok sa kaniyang balakang. Nangyari ito matapos siyang mapaupo nang minsang nag-away sila ng kaniyang kapatid.
"Nasa eskwelahan ako noon tapos pinatingnan ko sa kaklase ko kung pantay ba, sabi niya parang hindi. Biglang parang namaga lang siya, tapos unti-unti siyang lumalaki," sabi ni Sucel.
Ipinahilot ni Sucel ang bukol, pero hinayaan na rin lamang kalaunan. Nagpatuloy sa paglaki ang bukol lalo na nang magkaanak na siya.
Dahil sa kaniyang kondisyon, nangayayat si Sucel at hirap na rin siyang maglakad. Kaya napilitan na siyang tumigil sa pagtatrabaho bilang kasambahay.
Napag-alaman din na tinubuan na rin ng sugat ang malaking bukol ni Sucel.
Sinabi ni Sucel na ilang beses silang nagpabalik-balik sa ospital para makapagpatingin sa doktor. Sumailalim siya sa magnetic resonance imaging (MRI) noong 2014 at nalamang mayroon siyang "hemangioma."
Sinabi ni Dr. Josefino Sanchez, vascular surgeon ng De Los Santos Medical Center, na hemangioma ang kadalasang terminong ginagamit para ilarawan ang isang vascular tumor.
Ang hemangioma ang abnormal na paglaki at pagdami ng blood vessels, dahilan para magbuhol-buhol ang mga ito.
Dahil walang sapat na pera, 2019 pa nang huling makapagpatingin si Sucel.
Nang masuri ni Dr. Sanchez, sinabi niyang isa nang acquired vascular malformation ang bukol ni Sucel.
"'Yung kay Sucel is more of an acquired, secondary to a prior injury noong napaupo siya, doon na nagsimulang sumakit at mamaga. Sa kasamaang palad, pinamasahe niya, na lalong nadagdagan 'yung trauma," anang doktor.
Ayon pa kay Dr. Sanchez, nakaapekto rin ang pagbubuntis ni Sucel dahil nagdala ito ng tension o pressure sa mga ugat na lalong nagpabilis sa paglaki ng kaniyang bukol.
Sinabi ng duktor na kailangan pang sumailalim sa mga pagsusuri si Sucel tulad ng MRI at X-ray upang makita kung may mga buto na naapektuhan ng bukol.
Sa kabila ng kaniyang kondisyon, nakapagpapagaan ng loob ni Sucel ang pagsasayaw sa Tiktok.
Umabot sa walong milyong views ang isa niyang video, at nakapagpapalakas ng kaniyang loob ang mga natatanggap niyang magagandang komento.
"Gusto ko pang gumaling, 'yun ang gusto ko. Kasi gusto ko pang makasama ang mga anak ko. Gusto ko pang maalagaan sila hanggang sa paglaki, 'yun lang po ang hiling ko," sabi ni Sucel, na patuloy munang titiisin ang kaniyang kalagayan hanggang wala pa siyang sapat na pera para ipagamot ang bukol.
--FRJ, GMA News