Sumuko sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang aktor na si Enchong Dee, at nagpiyansa kaugnay sa kinakaharap na reklamong cyber libel.
Ayon kay NBI spokesperson Ferdinand Lavin, nagtungo si Enchong sa tanggapan ng NBI sa Quezon City nitong Lunes, at nakaalis ng 9 p.m. nang magpiyansa na.
“Yes, he was taken into custody at NBI VTech Tower, Quezon City yesterday and released around 9 in the evening after posting bail, and [the] release order was issued by the Court,” pahayag ni Lavin nitong Martes.
Ayon kay Lavin, ang reklamong cyber libel laban sa aktor ay isinampa ni DUMPER party-list Representative Claudine Bautista-Lim.
“That’s correct, by virtue of an arrest warrant issued by a Court in Davao Occidental,” patuloy ni Lavin sa kaso ni Enchong.
Batay naman sa impormasyon mula kay Regional Prosecutor Janet Fabrero, sinabi ni Justice spokesperson Emmeline Aglipay-Villar, na wala pang schedule para sa arraignment ng aktor.
“…the Information for cyber libel was filed last week. The RTC Branch 20 issued an E-Warrant. Yesterday, Dee posted bail for his temporary liberty,” ani Villar.
Idinagdag ng opisyal na naging "moot and academic" ang mosyon na inihain ng kampo ni Enchong laban sa Regional Prosecution Office dahil nakapagpalabas na ng resolusyon ang Office of the Regional Prosecutor bago ito natanggap.
“The motion for reconsideration was filed but also denied. Hence the information against him was finally filed last week,” sabi ni Villar.— FRJ, GMA News