Umaabot na ngayon sa 26 na katao ang nawawala matapos silang magpunta sa iba't ibang sabungan, ayon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG). Kabilang sa mga nawawala, isang buntis.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing kabilang ang apat na buwang buntis na si Jonnalyn Lubgin, 22-anyos, ang nadagdag sa listahan.

Nawala si Lubgin noong Enero 7 matapos na sumama sa kaniyang nobyo na si Nomer de Pano, 30-anyos, at nagtungo sa isang sabungan sa Laguna.

Ayon kay Laguna police chief Police Lieutenant Colonel Paterno Domondon, wala pang kaso na naisasampa kaugnay sa pagkawala ng magkasintahan at patuloy pa silang nag-iimbestiga.

"Matapos pong makunan ng salaysay, napag-usapan namin ng mga imbestigador, eh medyo kulang pa po 'yung mga ebidensiyang hawak namin para mag-file ng kahit anong kaso po. In-explain namin, naintindihan naman po nila," sabi ni Domondon.

Pero hinihinala ni Domondon na posibleng may kinalaman ang insidente sa "game fixing" o laglagan ng laban ng manok.

"In-admit naman ng isa sa relatives ng mga nawawala na talagang napapansin ng kasama nila may pinapakain sa manok. Yan po yung iniimbestigahan natin, yung tsope na sinasabi po nila, yung sa game fixing," ani Domondon.

Nakikipagtulungan na rin si Domondon sa CIDG na naatasang magsiyasat sa kaso ng mga nawawalang sabungero na umaabot na ngayon sa 26.

Kaninang umaga, nagtangka ang ilang kaanak ng umano'y 30 sabungero na nawawala, na makapunta sa MalacaƱang para hilingin kay Pangulong Rodrigo Duterte na tulungan silang mahanap ang mga mahal sa buhay.

Pero hindi na sila pinayagang makalampas pa sa Mediola dahil wala silang permit para magdaos ng rally.

Hinaing ng mga kaanak ng mga nawawalang sabungero, hindi umuusad ang kaso ng kanilang mga nawawalang mahal sa buhay. --FRJ, GMA News