Sa kaniyang birthday celebration sa programang "Wowowin-Tutok To Win" nitong Huwebes,  binigyan ni Willie Revillame ng tig-P100,000 ang mga taong kaniyang natawagan.

Karaniwang nasa P30,000 hanggang P50,000 ang ibinibigay na regalo ni Kuya Wil sa mga taong natatawagan ng kaniyang programa bilang kaunting tulong.

Pero dahil sa birthday niya, sinabi ni Kuya Wil na dodoblehin niya ang P50,000 na kaniyang ibibigay sa 10 tao na kaniyang tatawagan kung aabot sa 50,000 ang nanonood ng live sa Facebook account ng programa.

Hindi nga nagtagal, humigit sa 50,000 ang live viewers sa Facebook kaya tig-P100,000  ang kaniyang ipinamigay sa mga natawagan, at bumati lang sa kaniyang kaarawan.

Isang ginang sa Catanduanes ang unang natawagan at hindi makapaniwala sa malaking biyaya na kaniyang natanggap.

Sumunod naman na natawagan ang isang babae sa General Santos City na kakaalis lang sa trabaho. Sobra ang kaniyang pasasalamat sa P100,000 na kaniyang napanalunan dahil gagamitin daw niya ito sa negosyo.

Kasabay nito, masayang ibinalita ni Kuya Wil na patuloy na mapapanood sa GMA-7 ang "Wowowin," na anim na taon na ngayon bilang Kapuso.

--FRJ, GMA News