Pumanaw ang isang sanggol ilang araw matapos siyang isilang sa Mangaldan, Pangasinan. Lumitaw na positibo sa COVID-19 ang bata at hindi pa naturukan ng bakuna ang kaniyang ina.
Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, sinabing ang naturang sanggol ang pinakabatang nasawi sa COVID-19 sa bayan.
Maayos naman umano ang kalagayan ng sanggol nang iluwal ng ina noong Enero 7.
"Okey naman siya [baby] healthy noong lumabas. January 8 okey pa naman daw, hanggang sa January 9 [nang] madaling araw na parang iyak nang iyak yung bata at nangingitim na raw kapag umiiyak," ayon kay Dra. Racquel Ogoy, Mangaldan COVID-19 Focal Person.
"Inilipat sa higher institution na hospital and then RT-PCR was done yung baby diniclare [declared] na dead on arrival. Noong lumabas yung RT-PCR result niya, it turned out na positive din," dagdag ng duktora.
Nailibing na ang sanggol habang iniimbestigahan ng health authorities kung saan posibleng nakuha ng sanggol ang virus.
Gayunman, posible umano na nakuha ng sanggol ang COVID-19 sa ina nito o sa mga kamag-anak.
Ayon kay Ogoy, lumitaw na hindi pa natuturukan ng COVID-19 vaccine ang ina ng sanggol.
Sa ngayon, wala pa umanong malawak na pag-aaral na naisasagawa tungkol sa vertical transmission o pagkakahawa ng sanggol habang nasa sinapupunan.
"Puwede na itong nangyari na ito mag-open ng further studies para malaman natin kung mayroon na bang vertical trnasmission ng bata," sabi ni Ogoy.
Sa ngayon, naka-isolate ang mga kamag-anak ng sanggol at isasailalim sila sa swab test.--FRJ, GMA News