Literal na naibsan ang bigat na dinadala ng dalawang batang babae na sina Yumi at Cluey na may kondisyon na "gigantomastia." Ito ay matapos na matagumpay na maoperahan at alisin ang malaki nilang dibdib.

Unang naitampok noon sa programang "Kapuso Mo, Jessica Soho," ang 12-anyos na si Yumi na taga-Palawan.

Dahil sa sobrang paglaki ng kaniyang dibdib, naging tampulan siya ng tukso at hindi na rin nagawa ang dapat na ginagawa ng isang bata, tulad ng paglalaro.

Ang kuwento ni Yumi ang nagbigay din ng lakas ng loob sa 10-taong-gulang na si Cluey, ng Laguna, para idulog din ang kaniyang problema sa malaki niyang dibdib.

Sa tulong ng mga duktor ng Philippine General Hospital, magkasunod na isinailalim sa operasyon sina Yumi at Cluey.

Nitong nakaraang Agosto nang inoperahan si Yumi na tumagal ng 14 na oras upang alisin ang nasa 20 kilo bigat ng kaniyang dibdib.

“So ang ginawang operasyon doon is reduction mastectomy,” ayon kay PGH’s Dr. Esther Sanguil.

“Tinanggalan natin ’yung majority of the breast. Nag-iwan lang tayo nung pinakatamang size para dun sa edad nila. So malaki siyang reconstruction.”

Maliit lang umano ang tiyansa na muling lumaki ang mga dibdib ni Yumi.

Matapos ang matagumpay na operasyon kay Yumi, sumunod naman na inoperahan si Cluey noong Oktubre na tumagal ng 12 oras para maalis ang mahigit 12 kilong bigat ng kaniyang dibdib.

Ngayon, maayos nang nakapaglalakad si Cluey at nakapaglalaro nang muli.

Matapos ang kanilang operasyon, muling nagkita sina Yumi at Cluey sa pamamagitan ng video.

"Ate Yumi, kapag nagkita po tayo collab po tayo sa Tiktok. Turuan niyo po aking magTiktok, sabi ni Cluey kay Yumi.

Nagpasalamat naman ang dalawa sa lahat ng taong tumulong sa kanila para mapagaang kanilang pakiramdam.

“Masaya kasi natupad na ’yung wish ni Mama na maging okay na ako sa December. Si Lord na po ’yung bahalang magbalik po ng mga biyayang binigay ninyo po sa akin,” ayon kay Yumi.


– FRJ, GMA News