"Mula noon ay nagpasimulang mangaral si Jesus, at magsabi; 'Magsisi kayo sapagka't malapit na ang kaharian ng langit.' (Mateo 4:17)"
MARAMING masasaklap na pangyayari ang naganap sa taong 2021 na talaga namang sumubok na naman sa katatagan nating mga Filipino.
Hindi pa man tayo nakababawi sa COVID-19 pandemic, hinagupit pa tayo ng bagyong "Odette" bago magtapos ang 2021. Kung kailan pa man din magpapasko at bagong taon. Parang naulit ngang muli ang trahediya ng bagyong "Yolanda."
Magkagayunman, halimbawang ang isang tao ay nadapa at bumagsak, wala siyang maaaring ibang gagawin kundi ang bumangon kung saan siya nalugmok. Kailangan niyang tumayong muli para makabawi o kaya ay harapin ang iba pang pagsubok na darating sa buhay.
Dahil kung hindi niya ito gagawin, papaano siya makakabawi? May nabasa akong kuwento tungkol sa isang manlalaro na ayaw nang lumaban dahil natatalo siya. Ang payo sa kaniya, papaano siya makababawi at mananalo kung hindi na siya lalaban at aayaw na lang?
Ngayong 2022, huwag masiraan ng loob. Bagkos, gagamitin nating inspirasyon ang Mabuting Balita (Mateo 4:12-17, 23-25) mula sa naging karanasan ng ating Panginoong HesuKristo.
Hindi nasiraan ng loob si Hesus nang dakpin at ibilanggo si Juan Bautista. Nang mabalitaan Niya ang pagkakabilanggo ni Juan, nagpatuloy si Hesus sa pangangaral na Kaniyang misyon, sang-ayon sa katuparan ng sinabi ni Propeta Isaias. (Mateo 4:14-16).
Hindi natakot at hindi umatras si Hesus matapos ang nangyari kay Juan. Sapagkat para kay Hesus, mayroon Siyang dakilang misyon sa pagparito sa ibabaw ng mundo. (Mateo 4:23)
Itinuturo sa atin ngayon ng Pagbasa na anuman ang mga naging pangyayari sa ating buhay, kailangan pa rin natin magpatuloy sa ating mga dapat na gawain. Huwag natin hayaan ang ating sarili na malugmok sa pansamantalang kabiguan.
Hindi na natin maibabalik ang nakaraang pero may magagawa tayo para sa kinabukasan. Tayo ang may hawak ng lapis o ballpen upang isulat kung ano ang nais nating ilagay sa kuwento ng ating magiging buhay.
Gamitin nating inspirasyon at motibasyon ang ating naging karanasan para itulak ang ating sarili na bumangon sa pagkakadapa. Huwag natin hayaan na lamunin ng takot at mas piliing sumuko na sa nakaraan.
Tularan natin si Hesus na hindi umatras at hindi nagpadala sa takot. Sa halip ay hinarap niya ang mga pagsubok dahil batid Niya na hindi Siya pababayaan ng ating Amang nasa Langit.
Basta laging manalangin at magtiwala sa kapangyarihan ng ating Panginoong Diyos.
Manalangin Tayo: Panginoon naming Diyos. Nawa'y tulungan Niyo po kami na huwag masiraan ng loob. Sa halip ay tularan nawa namin ang Inyong anak na si Hesus na hindi sumuko sa mga pagsubok ng buhay. AMEN.
--FRJ, GMA News