Ngayong holiday season na marami ang kainan, hindi maiwasan ang mabusog nang labis. Pero puwede nga bang pumutok ang tiyan kapag nasobrahan sa pagkain?

Sa segment na "Kuya Kim Ano Na?" sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabi ni Kuya Kim Atienza, na batay kay Dr. Rachel Vreeman, assistant professor of pediatrics ng Indiana University School of Medicine, bagaman sobrang liit lang ng tiyansa, posible pa rin daw na sumabog ang tiyan sa sobrang kabusugan.

Mula 1.5 hanggang tatlong litro lang daw ng pagkain ang kaya ng tiyan. Kapag umabot na sa limang litro ang laman ng tiyan, maaari na raw itong mapunit o sumabog.

Payo umano ng mga nutritionist at dietician, mas makabubuti kung babagalan ang pagkain. 

Isang paraan nito ay ibaba ang kutsura at tinidor pagkatapos sumubo at nguyain ang pagkain ng hanggang 20 segundo, bago muling sumubo.

At kapag busog, mas makabubuti rin umano na palampasin ang tatlong oras bago matulog.

FRJ, GMA News