Bakit tayo mangangamba kung nangungusap mismo ang Diyos sa atin na huwag tayong matakot (Marcos 6:45-52).
"Datapwat kinausap sila ni Hesus. Lakasan ninyo ang inyong loob. Si Hesus ito, huwag kayong matakot". (Marcos 6:45-52 mula sa Paulines Bible).
HALOS dalawang taon na ngayon mula nang maminsala ang COVID-19 pandemic. Napakarami nang buhay ang nawala-- mayaman man o mahirap.
Maging ang apat na kasamahan kong Lay Minister at isang Dominican Laity sa Santo Domingo Church ay hindi nakaligtas sa bagsik ng virus ng COVID-19. Sa loob lamang ng isang taon ay magkakasunod silang kinapitan ng sakit at kinalaunan ay bawian ng buhay.
Dahil sa pangyayaring ito, marami sa atin ang marahil ang pinanghinaan ng loob at nawawalan na ng pag-asa sa buhay. Siguro ay mayroon ding pinanghinaan ng tiwala at pananampalataya sa ating Panginoong Diyos.
Napapatanong kung "bakit sila pa," o kaya ay iniisip na pinapabayaan na ba sila ng Panginoon sa kanilang paghihirap at pagsubok na kinakaharap na dulot ng pandemic?
Marami rin kasing nawalan ng trabaho at negosyo dahil sa paghihigpit sa pagkilos ng mga tao lalo noong kasagsagan ng pagkalat ng virus. Ang mga kababayan nating OFWs, nag-uwian dahil apektado rin ng pandemic ang bansa na kanilang kinaroroonan.
Marami sa kanila ang bumalik sa bansa na dasal lang ang dala at pananalig dahil hindi nila alam kung ano ang naghihintay sa kanilang pag-uwi sa kanilang pamilya.
Pero huwag nating kalilimutan na hindi manhid at bulag ang ating Panginoong Diyos sa mga paghihirap ng Kaniyang mga Anak. Dahil sa kasalukuyan, bahagyang lumuluwag at gumagaan na ang pamumuhay ng bawat mamamayan kumpara noong panahon na unang manalasa ang coronavirus.
Unti-unti nang dumarami ang mga nagsisimba, pinahihintulutan na ang mga bata na mamasyal, at hindi na masyadong hinihigpitan ang mga negosyo, at mga establisimyento.
Narinig ng Diyos ang ating mga panalangin at pagtangis. Nakita rin Niya ang ating mga pagdurusa sapagkat walang Ama na kayang tiisin ang paghihirap ng Kaniyang mga Anak.
Nangusap sa atin ang Panginoon na habang lahat tayo ay naliligalig at nasisindak dulot ng pandemya, alalahanin ang sinasabi Niya sa kaniyang mga alagad na nababalot din noon ng pangamba: "Lakasan ninyo ang inyong loob, si Hesus ito. Huwag kayong matakot."
Pinatunayan ito sa Mabuting Balita (Marcos 6:45-52) na hindi pinababayaan ng Panginoong Hesus ang kaniyang mga anak. Sa harap ito ng mga pagsubok at malakas na unos na dumarating sa ating buhay.
Habang naglalayag sa karagatan ang mga disipolo sa gitna ng naglalakihang alon, nakita ni Kristo na nahihirapan ang Kaniyang mga Alagad sa pagsagwan. (Mk. 6:48). Naglakad sa ibabaw ng dagat si Hesus para sundan ang Kaniyang mga alagad. Subalit natakot ang mga ito sapagkat ang akala nila'y multo si Hesus (Mk. 6:49) kaya pinayapa Niya ang mga ito.
Ipinapaalaala sa atin ng Ebanghelyo na sa kabila ng matinding pagsubok na pinagdadaanan natin, hindi kailanman mangyayari na pababayaan at iiwanan tayo ng ating Panginoong Diyos sapagkat napakalaki ng Kaniyang pag-ibig para sa atin.
Sa Kaniyang mahimalang paraan ay gagawa Siya ng mga hakbang upang tayo ay tulungan at patatagin. Lagi lamang nating tandaan at isapuso ang Kaniyang pahayag na, "Lakasan ninyo ang inyong loob, si Hesus ito. Huwag kayong matakot."
Manalangin Tayo: Panginoon, maraming salamat po at hindi po Ninyo kami pinababayaan sa harap ng mga pagsubok na dumaan sa aming buhay. Hipuin po sana Ninyo ang puso ng mga taong nawalan ng tiwala at pananampalatay sa Inyo. AMEN.
--FRJ, GMA News