Problemado ang isang anak dahil galit sa kaniya ang kaniyang ina dahil hindi raw siya nakapagbibigay ng pera. Pero puwede ba siyang palayasin at idemanda ng kaniyang ina dahil sa naturang usapin sa pera?
Sa programang "Sumbungan ng Bayan," sinabi ng problemadong netizen na balak siyang ipa-barangay at idemanda ng kaniyang ina dahil hindi siya nakakapagbigay ng pera.
Paliwanag niya, hindi siya makapagbigay ng pera sa ina dahil gipit pa siya at madami ding binabayarang utang. Kaya ang hinanakit niya, gipit na nga siya ay lalo pa siyang ginigipit dahil gusto pa umano siyang palayasin sa bahay.
Ayon kay Atty. Artkario Villanueva, kulang sa detalye ang ipinadalang impormasyon ng netizen tungkol sa kaniyang problema. Kabilang na dito ang kaniyang edad kung menor de edad pa ba siya o hindi.
Pero kung menor de edad umano ang nasa katayuan ng netizen, hindi siya maaaring paalis ng ina dahil nasa batas na obligasyon ng magulang na suportahan ang pangangailangan ng anak.
Kung nasa legal na edad naman ang netizen, sinabi ni Villanueva na nasa batas na kailangang magbigayan at magsuportahan ang mga miyembro ng pamilya.
Ngunit kung palalasin at kakasuhan siya ng dahil sa pera, nakadepende umano ito sa kung may kasunduan sila ng kaniyang ina.
Kung nasa legal na edad o adult na kasi ang isang anak, may karapatan umano ang ina kung pag-aari nito ang bahay na magbigay ng kondisyon sa pananatili niya sa bahay.
Gayunman, hindi naman puwedeng puwersahan o palayasin siya sa marahas na paraan.
Mas makabubuti umanong pag-usapan nilang mag-ina sa barangay ang kanilang problema. Sakali raw kasing magdemanda o dalhin ng ina sa korte ang kanilang problema, kailangang patunayan muna na sinikap nila itong pag-usapan at lutasin sa level ng barangay.
Naniniwala si Villanueva na malulutas ang mga problema ng isang pamilya sa maayos na usapan.--FRJ, GMA News