Tinawag ni Hesus ang Kaniyang mga Alagad at sinabi Niya sa kanila: "Nahahabag ako sa mga taong ito. Tatlong araw na ngayong kasama natin sila at wala na silang pagkain. Ayokong paalisin sila nang gutom, baka mahilo sila sa daan." (Mateo 15:32).

Bago magkaroon ng pandemyang dala ng COVID-19, madalas akong makakita ng mga tao sa gilid ng kalsada kapag ganitong panahon ng kapaskuhan. Ang iba, hindi naman nanghihingi ng limos, pero mas marami ang lumalapit sa mga sasakyan kapag naka-pula o stop ang traffic signal.

Kung minsan naman, may mga pami-pamilya na kariton ang tahanan at nakahimpil sila sa mga bangketa. Sa gitna ng kanilang umpukan, tila inaasahan nilang may sasakyan na titigil sa kanilang tapat upang mag-abot ng tulong gaya ng pagkain.

Thank you, salamat, at matamis na ngiti ang sukli ng mga kapus-palad sa mga taong nagbigay sa kanila ng biyayang magsasalba sa kumakalam nilang sikmura.

May kakatwang mga eksena rin kung minsan dahil may ibang bibinigyan na napapaismid kapag nalaman nilang hindi nila mapapakinabangan, o hindi makakain, o hindi nila gusto ang ibibigay sa kanila.

Ngunit kapag panahon ng Pasko, ika nga, "It's the thought that counts." Basta taos sa puso ang hangarin natin na makatulong at magpasaya, huwag panghinaan ng loob kung hindi man tayo masabihan ng thank you, salamat, o pakitaan ng matamis na ngiti ng taong ating binigyan ng kaunting biyaya.

Ang mahalaga, nagpakita tayo ng malasakit at sumagi sa ating isipan na mag-alalala sa kalagayan ng ating kapuwa--gaya nang naramdaman noon ni HesuKristo.

Sa Mabuting Balita (Mateo 15:32-39), mababasa ang kagandahan ng kalooban at pagiging maawain ni Hesus sa mga tao na ilang araw nang sumusunod sa Kaniya.

Winika ni Hesus sa kaniyang mga Disipulo na nahahabag Siya sa mga taong tinuruan Niya at pinagaling sa kanilang mga karamdaman. Ilang araw na kasing sumusunod sa kanila at hindi kumakain ang mga tao.

Kaya ganoon na lamang ang naramdamang awa ng ating Panginoon sa mga tao. Kung tutusin ay hindi naman problema ni Hesus kung walang makain ang mga tao dahil sila naman kusang sumunod sa Kaniya at hindi Niya naman iniutos.

Ngunit hindi ganoon ang Panginoon, hindi Niya kayang tiisin ang mga taong nasa kalunos-lunos at kahabag-habag na kalagayan.

Bagama't kakaunti lamang ang tinapay at isda na iniabot sa Kaniya, gumawa ng himala si Hesus para maparami ang pagkain at mapakain ang mga tao na ang bilang ay umabot sa apat na libo. (Mt. 15:34-38)

Itinuturo sa atin ngayon ng Ebanghelyo ang pagkakaloob din natin ng habag at malasakit sa ating kapuwa nang walang hinihintay na kapalit.

Kung pagninilayan nating mabuti ang Ebanghelyo, mababasa natin na ang ibinigay na pagmamahal ni Hesus at walang hanggan at walang pinipiling panahon. Hindi lamang niya pinagaling ang mga taong sumama sa Kanilang paglalakbay kundi binigyan pa Niya ng makakain.

Pinatutunayan sa Pagbasa na kapag ang Panginoon ay nagbigay, kung hindi man sapat ay higit pa--tulad ng Kaniyang pag-ibig.

Sa ngayong panahon ng kapaskuhan, magawa rin nating tularan si Hesus na nagpakita ng malasakit at pagtulong sa mga tao sa abot ng ating makakaya, at walang hinihintay na kapalit, at walang lihim mo agenda.

Manalangin Tayo: Panginoong Hesus, turuan Niyo po kami na matutunang magbigay sa aming kapuwa na walang inaantay na kapalit. Dahil bilang mga Kristiyano, mayroon kaming obligasyon na tulungan ang mga taong nangangailangan. AMEN.

--FRJ, GMA News