Kilala bilang isa sa mga sikat na cosplayer sa bansa, inilahad ni Myrtle Sarrosa na umaabot sa P20,000 kung minsan ang kaniyang ginagastos sa pagbuo ng kaniyang mga costume.
Sa "Tunay Na Buhay," inilahad ni Myrtle na nagsimula siyang mag-cosplay noong 14-anyos pa lamang siya.
"Kasi noong time na 'yun, may nakita akong Japanese cosplayer tapos ginagaya niya 'yung isang favorite character ko. So when I was that she was doing that, sabi ko 'Parang gusto ko rin itong gawin,'" kuwento ni Myrtle.
"Because of that, inipon ko lahat ng allowance ko para makagawa ng costume. Kasi noong time na 'yun, 'yung costumes ng anime characters, hindi mo siya mabibili," dagdag pa niya.
Ang cosplay o costume play ang paggaya ng mga fictional character mula sa anime, video games, comic books o mga pelikula.
Ayon kay Myrtle, hindi biro ang paggastos para sa cosplay.
"Dati noong nag-uumpisa pa lang ako, mga P300 kasi ginagawa ko talaga siya from scratch. Pero ngayon since I'm working with multiple creators, aabot siya minsan P20,000," kuwento niya.
Dahil sa kaniyang pag-cosplay, nawala raw ang pagiging mahiyain ni Myrtle, hanggang sa makilala na rin siya hindi lang sa Pilipinas kundi pati sa international cosplay community.
Naging daan din ito para makapunta siya sa ibang bansa kapag naiimbestahan sa mga event.
Sa ngayon, sumikat na rin si Myrtle sa gaming community, kung saan nagkakaroon siya ng libo-libong viewers sa kaniyang livestream.
Nang tanungin kung ano ang aral ng tunay na buhay ni Myrtle, sagot niya; "Always do your best. Kasi hindi mo alam where life will take you. So in every path that opens up right in front of you just take it."
--FRJ, GMA News