Umani ng papuri sa netizens ang isang working student sa Bacoor, Cavite dahil hindi niya pinag-interesan ang nakita niyang pera na naiwan sa ATM machine.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, ikinuwento ni Jeanette Cortez Real, na magwi-withdraw sana siya sa ATM sa isang mall nang biglang may lumabas na pera sa makina.
“Nung una hindi ko alam kung magkano siya kasi hindi ko siya agad binilang, parang napalingon muna ako sa paligid ko. Sabi ko, 'Hala, kaninong pera to?,'” ayon kay Jeanette.
“May lumabas na resibo, tapos pagtingin ko sa resibo nakita ko yung amount po, tapos sabi ko, 'Hala, medyo malaki ‘to,'” patuloy niya.
Nagkakahalaga ng P7, 900 ang naturang pera na nakita ni Jeanette. Pero sa halip na pag-interesan, dinala niya ang pera sa pinakamalapit na bangko.
Ipinost din ni Jeanette sa Facebook ang nangyari sa pagbabaka-sakaling makarating sa may-ari ng pera.
Ipaliwanag ni Jeanette kung bakit hindi niya pinag-interesan ang pera kahit makakatulong sana iyon sa kaniyang pag-aaral.
“‘Yung may ari po noon, alam ko pong marami rin siyang pinagdaanan para makuha ‘yung pera na ‘yun so parang kung aangkinin ko siya, parang ang laking konsensya po yun,” paliwanag niya.—FRJ, GMA News