Ang pagkain ng mga maaalat tulad ng paglalagay ng asin bilang panimpla sa mga niluluto at mga sawsawang toyo at patis ang ilan sa mga dahilan ng nagkakaroon ng gallstones. Gaano nga ba karaming asin ang dapat na ikonsumo ng isang tao para maiwasan ang iba't ibang uri ng sakit?
Sa programang "Pinoy MD," ipinaliwanag ng registered nutritionist-dietician na si Audee Sunga, na ang Recommended Daily Intake (RDI) ang basehan kung kulang o sobra ang isang tao sa nutrients tulad ng sodium na natatagpuan sa asin.
Kada araw, hindi dapat lumalagpas sa isang kutsaritang asin, o katumbas ng 2,000 milligrams ng sodium, ang kinokonsumo ng tao.
Ngunit mahilig ang mga Pinoy sa sobrang pagkain ng asin, tulad na lamang ng instant noodles na mayroong mahigit 1,000 milligrams ng sodium.
Ang isang kutsarang patis naman ay mayroong 1,240 milligrams, at ang isang lata ng sardinas ay may 400 milligrams na sodium.
Bukod pa ito sa asin na pangunahing panimpla ng mga Pinoy sa pagluluto.
Ayon kay Sunga, ilan sa mga sakit na puwedeng makuha sa pagkain ng maaalat ay ang altapresyon o hypertension, heart diseases at kidney diseases, at stroke.
Maaari umanong maipon at mag-crystalize sa iba't ibang organ ng katawan tulad ng bato o gallbladder ang sodium mula sa mga kinakain natin.
Para makaiwas sa gallstones, magluto na lamang ng sariwang isda sa halip na kumain ng dried fish.
Katamtaman lamang din dapat ang paggamit ng asin bilang panimpla, at ugaliing magbasa ng nutrition labels para makita kung gaano karaming sodium ang taglay ng mga kinakain.
Hangga't maaari, umiwas sa processed foods at de-lata na klase ng mga pagkain na matataas ang sodium content.
Ang pink Himalayan salt na mayroong 1,600 milligrams ng sodium kada kutsarita ay maaaring alternatibo sa karaniwang asin na may 2,000 milligrams ng sodium kada kutsarita. --FRJ, GMA News