"Kapopootan kayo ng lahat dahil sa pagsunod sa Akin. Ngunit hindi kayo malalagasan kahit isang hibla ng buhok. Sa inyong pagtitiis ay maililigtas ninyo ang inyong buhay," (Lucas 21:17-19).
Naaalala ko sa Talatang ito mula sa Sulat ni San Lucas nang minsan tanungin ako ng aking maybahay kung bakit ako kailangan maghapon na nagsisilbi sa Santo Domingo Church bilang isang Lay Minister tuwing Linggo.
Kapag Linggo, nagsisimula ang aking tungkulin bilang Lay Minister mula 9:00 am anggang 7:00 pm.
Ang sabi niya, puwede naman daw na isang oras lang akong mag-serve sa Misa o kaya naman ay sa umaga lamang. Para sa hapon ay nasa bahay na ako upang makasama ko naman sila sa araw ng Linggo.
May katuwiran ang aking maybahay. Gayunman, ipinaliwanag ko rin sa kaniya na nakakasama ko naman sila sa loob ng anim na araw mula Lunes hanggang Sabado. Magkasama kasi sa buong maghapon sa loob ng anim na araw.
Ngunit ang araw ng Linggo, ipinaliwanag ko sa aking maybahay na ito ang natatanging araw upang makapag-lingkod ako sa ating Panginoong Diyos. Sapagkat ang araw ng Linggo ay ang araw na nakalaan para sa Kaniya o "The Lord's Day."
Kaya hiniling ko na kung maaari ay ipaubaya na niya ang Linggo ko para sa ating Panginoon. Nang sa gayon ay magampanan ko ang aking obligasyon at bokasyon sa Diyos bilang Kaniyang lingkod. Dahil isang araw lang naman ang kailangan nating iukol para sa ating Poong Maykapal.
Alalahanin natin na hindi lang sa pamilya ang ating obligasyon. Mayroon din tayong may obligasyon na kailangang gampanan sa ating Panginoong Diyos. Lalo na kung ang Diyos mismo ang tumawag sa atin para Siya ay ating paglingkuran.
Minsan, ito ang hindi mauunawaan ng ating mga mahal sa buhay, at maging ng ibang tao. Hindi nila maunawaan ang ating paglilingkod sa Panginoong Diyos na dapat sana'y sila ang unang makakaunawa sa atin.
Ganito ang mensahe ng Pagbasa (Lucas 21:17-19) nang ipangaral ni Hesus na, "Kapopootan tayo ng lahat dahil sa pagsunod natin sa Kaniya."
Sapagkat may ilang tao talaga ang hindi makauunawa sa ating bokasyon o ang pagtawag sa atin ng Panginoon para maglingkod sa kaniya.
Ang tanong lamang dito ay tatalikuran ba natin ang paglilingkod sa ating Panginoong HesuKristo dahil sa hindi ito gusto ng mga mahal natin sa buhay o ng ibang tao?
Tandaan lamang natin na maging si Hesus ay hindi nakaligtas sa pang-uusig ng mga tao noong panahon Niya. Dahil ang Kaniyang sariling mga kamag-anak ay inakalang Siya'y nasisisraan ng bait.
"Nang mabalitaan iyon ng mga Kaniyang mga kamag-anak, pumunta sila roon upang kunin Siya dahil maraming nagsasabi na Siya'y nasisiraan ng bait". (Marcos 3:21)
Naging masalimuot man ang sitwasyon ng ating Panginoong Hesus sa pagganap Niya ng Kaniyang tungkulin, hindi Siya pinanghinaan ng loob. Bagkos ay nagpatuloy Siya sa Kaniyang misyon.
Ganito rin ang itunuturo sa atin ng Mabuting Balita (Lk. 21:12-19). Kailangan nating maging focus sa ating obligasyon at bokasyon sa Diyos dahil dito Niya tayo tinawag. Kung magpapadala tayo sa mga negatibong salita na ipinupukol sa atin, maaaring talikuran na natin ang ating tungkulin sa ating Panginoon.
Kahit ano pa ang sabihin ng mga kamag-anak, kaibigan o ng ibang tao tungkol sa ating mga gawain sa simbahan, alalahanin natin na ang Panginoon mismo ang tumawag sa atin para dito. Kaya walang dahilan upang tayo ay mabagabag.
Gayundin sa ibang nananalig na ginawang panata sa kanilang buhay ang magsimba tuwing Linggo o maglaan ng sandaling oras upang makinig ng mga Mabuting Balita ng Panginoon.
Tinitiyak sa atin ni Hesus sa harap ng mga paninira at pang-uusig laban sa atin, Siya ang unang magtatanggol sa atin dahil hindi Niya hahayaan na tayo ay mapahamak.
"Ngunit hindi kayo malalagasan kahit isang hibla ng buhok". (Lk. 21:18)
Manalangin Tayo: Panginoong Hesus, tulungan Niyo po kami na magpatuloy sa aming obligasyon sa Simbahan sa harap ng mga pang-uusig. Patnubayan Niyo rin ang mga taong patuloy na nananalig at naglalaan kahit ng kaunti nilang oras para Ikaw ay makapiling at mapasalamatan. AMEN.
--FRJ, GMA News