Pinatunayan ng isang bagong kasal na higit pa sa bonggang handaan ang kanilang pagmamahalan matapos nila piliing mag-chicken with unli rice at unli sabaw sa isang fastfood restaurant para sa kanilang reception sa Cebu. Ang couple, higit sa P3,000 lang ang nagastos sa kanilang handaan.
Sa "Dapat Alam Mo!" sinabing dumiresto ang nag-viral na bagong kasal na sina Rhaqueza at Rian Baynosa sa reception kasama ang ilang bisita sa isang fastfood restaurant, matapos ang palitan nila ng "I do's" sa simbahan.
"Siyempre unli rice, siyempre 'yung unli sabaw din. Kasi ang sarap kumain eh," sabi ni Rian.
"Limited lang 'yung mga tao na in-invite namin, mga 15 persons lang, hindi masyadong malaki 'yung binabayaran namin. Although ginusto talaga namin 'yung medyo magara naman, kasi sabi nga minsan lang tayo kinakasal, pero siyempre 'yung pera naman hindi naman minsan," sabi ni Rhaqueza.
Suot ang puti niyang wedding gown, nag-order si Rhaqueza ng kanilang mga kakainin sa counter
"Gumastos lang kami ng P3,044 good for 15 persons lang, lahat kasama na kami roon," sabi ng Rhaqueza.
Bukod sa manok with unli rice, sinamahan pa nila ng dessert na halo-halo ang kanilang handaan para rin sa mga bisita.
"Since pregnant na ako for eight months, decided talaga kami noon na pinili talaga namin sa fastfood na lang kasi mas tipid at hindi na kami mag-iisip ng mga unang utang pa," sabi ni Rhaqueza.
Sa fastfood na rin nila isinagawa ang kanilang money dance at pagbubukas ng mga regalo.
Kabilang sa mga natanggap nilang regalo ang kalderong puno ng bigas. May natanggap din silang arinola.
Matapos ang halos isang buwan, isinilang na ni Rhaqueza ang anak nila ni Rian.
"Para sa amin hindi na namin ikasal pa nang bongga, at least lang kasal kami," sabi ni Rhaqueza.
"Gusto ko na lagi kaming masaya, lagi kaming magkasama," ani Rian.
--FRJ, GMA News