Halos dalawang dekada raw na hindi natirahan ang isang bahay sa Bulacan nang mag-migrate sa Amerika ang may-ari nito. Ang apo na nakatira ngayon sa bahay, naniniwalang may mga ligaw na kaluluwa siyang kasama rito.
Sa programang "Dapat Alam Mo," sinabing dekada 50 pa nang itayo ang naturang bahay sa Bulacan. Nang mag-migrate sa Amerika ang may-ari nito, mistulang naulila ang bahay at halos dalawang dekadang hindi natirahan.
Ayon kay Michael, apo ng dating may-ari ng bahay at siyang nakatira ngayon dito, may mga kababalaghang nangyayari sa bahay tulad ng nakuhanang larawan ng tila babaeng nakaputi at walang ulo habang nasa hagdanan.
Naniniwala si Michael na kabilang ang kaniyang lola na nagpaparamdam sa bahay tulad ng ingay ng yabag sa hagdanan.
Sinabi pa niya na birthday ng kaniyang lola nang makuhanan ng larawan ang imahe ng nakaputi na tila babae na walang ulo.
Dahil sa mga pagpaparamdam ng mga pinaniniwalaan niyang ligaw na mga kaluluwa, nasanay na raw si Michael.
Para malaman kung ano ang dahilan ng mga nagpaparamdam sa bahay, nagsagawa ng pagsisiyasat ang paranormal researcher na si Ed Caluag.
Sa kaniyang pag-iimbestiga, isang kaluluwa umano ng babae na biktima ng krimen ang nakipag-ugnayan kay Ed.
Nang tanungin ni Ed kung may kilala si Michael na babae na naging biktima ng krimen na malapit sa bahay, sinabi niyang mayroon.
Sino kaya ang babae at bakit siya nagpaparamdam? Panoorin ang buong kuwento sa video ng "Dapat Alam Mo."
--FRJ, GMA News