Lingid sa kaalaman ng marami, mayroong isang uri ng otter o dungon na makikita sa Palawan. At sa unang pagkakataon, naidukomento ito habang sila ay nasa wild ng programang "Born To Be Wild"--at may bonus pang squirrel.
Sa 14 taon ng programa, hindi pa nito nakukuhanan ng video ang mga maiilap na Asian small-clawed otter o dungon, habang sila ay nasa natural nilang tirahan o sa "wild."
Ayon kay Dr. Ferds Recio, isa sa mga host ng "BTBW," sa Pilipinas ay tanging sa Palawan lamang makikita ang mga dungon.
Ang residenteng si Domingo Palatino ng San Pedro sa Puerto Princesa City, masuwerteng natiyempuhan na makunan ng video ang isang pamilya ng dungon na sinasabing naninirahan malapit sa kaniyang fishpond.
Nang mabalitaan ito ng "BTBW," kaagad na naghanda ang team upang lumipad sa Palawan sa pag-asang maidudukomento nila sa unang pagkakataon ang mailap na mga hayop.
Dahil sa gabi madalas na lumabas ang mga dungon, nag-setup si Doc Ferds ng CCTV at camera trap para makunan ang mga ito.
Ilan sa palatandaan ng kanilang presensiya ay ang bakas ng kanilang paa sa putikan at ang kanilang dumi.
Sa kuha ng CCTV, naging mailap ang mga dungon na magpakita sa camera. Pero nahagip ang ibang hayop na tila may minamatyagan sa kanilang paligid.
"This is so many years in the making. Ang hirap kasi talagang makita ng dungon. These are very smart animals, very elusive and very sensitive sa kanilang environment," sabi ni Doc Ferds.
"In fact they're known as barometers of the environment. Doon lang sila tumitira sa lugar na may malinis na tubig," dagdag pa ni Dr. Ferds.
Pero kung bigo ang kuha ng CCTV, tagumpay naman ang camera trap dahil nahuli-cam ang mga dungon ng "BTBW" sa kauna-unahang pagkakataon.
Tunghayan sa video ang nakuhanan ng camera at ang paglalaro ng Southern Palawan Tree Squirrel, na nahuli-cam din sa wild. Panoorin.
--FRJ,GMA News