Bata pa lang, pangarap na ni Leonita Carrojano, na kilala rin bilang singer na si Nitz Bughaw, na makapagtapos ng kolehiyo. Pero dahil sa kahirapan at dami nilang magkakapatid na 15, natupad lang niya ito ngayong 68-anyos na siya.
Sa programang "Stories of Hope," sinabi ni Lola Nitz na napilitan na siyang lumuwas ng Maynila nang magtapos siya ng high school upang magtrabaho na at tumulong sa pangangailangan ng pamilya.
Sa Maynila, namasukan siya bilang katu-katulong hanggang sa magkaroon ng pagkakataon na kumanta sa restaurant.
Pero habang nagtatrabaho sa Maynila, nalaman niyang naglayas ang kaniyang ina at nagpunta sa Bulacan. Kinalaunan ay sumunod na rin ang kaniyang mga kapatid.
Sa tulong ng katrabaho na nakakatugtog din sa malalaking club, nagkaroon ng pagkakataon si Lola Nitz na makakanta sa malalaki at sikat na night club kung saan binigyan siya ng pangalang Nitz Bughaw.
Nagkaroon din siya ng pagkakataon na makapagtrabaho sa Japan, na nakatulong sa kaniya upang makapag-ipon, makapagpundar at magnegosyo.
Gayunman, nang matigil siya sa pagtatrabaho sa Japan, unti-unti na rin naubos ang kaniyang naipundar. Dahil single mom, kailangan niyang itaguyod ang pag-aaral ng apat niyang anak.
Dahil batid ng mga bata ang pangarap ng kanilang ina na makapagtapos, nagpursige sila sa kanilang pag-aaral. Ngayon, may kaniya-kaniya na silang trabaho.
Si Lola Nitz, nagkaroon na ng panahon sa sarili upang abutin ang kaniyang pangarap na magkaroon ng diploma sa kolehiyo.
Nag-enroll siya sa Bulacan State University sa kursong Tourism Management, kung saan consistent na dean's lister siya. At ngayon taon, nakamit na niya ang pinapangarap na diploma.
Pag-amin ni Lola Nitz, sa simula ay nakaramdam siya ng culture shock nang pumasok siya sa kolehiyo at naka-uniform pa.
Magkakaibang reaksiyon din ang nakita niya sa mga taong nakakasalamuha niya sa muli niyang pag-aaral kahit isa na siyang senior citizen.
Mayroon mga natutuwa at proud sa kaniya dahil nag-aaral pa rin siya kahit matanda na, at may mga nagtatanong kung para saan pa ang pag-aaral niya gayong matanda na siya.
"'Para sa sarili ko, ambisyon ko 'to.' That's my answer," kampanteng kuwento ni Lola Nitz.
Noong simula at hindi pa siya nagsusuot ng uniporme, napagkakamalan pa raw siyang professor sa unibersidad.
At nang lumaon, nagkaroon na rin siya ng iilang circle of friends sa eskwelahan.
Pero ngayon tapos na siya sa kolehiyo at nakamit na ang kaniyang pangarap, ano naman sunod na plano ni Lola Nitz?
Tunghayan ang kaniyang kuwento, buhay estudyante ng isang senior citizen, at payo sa mga katulad niyang may pangarap na nais abutin. Panoorin ang video ng "Stories Of Hope."
--FRJ, GMA News