Kahit naghiwalay na sila ng kaniyang ex-partner na si Kent Resquir, walang sama ng loob at patuloy na tumatanaw ng malaking pasasalamat si Boobay sa ginawang pagligtas sa kaniya nang makaranas siya ng mild stroke noong 2016.

"Until now sobrang grateful pa rin ako roon sa naging bahagi ng journey ko na 'yun, ng mild stroke ko na 'yun. Si Kent," naluluhang sabi ni Boobay.

Matatandaan noong Hulyo nang kumpirmahin ng non-showbiz partner ni Boobay na si Kent na hiwalay na sila ng TV host-comedian.

Nagkaroon si Boobay ng pagkakataon na ibigay ang kaniyang mensahe sa dati niyang partner nang  maging guest choices siya kamakailan sa "Bawal Judgmental" segment ng "Eat Bulaga."

"Until now sobrang grateful pa rin ako roon sa naging bahagi ng journey ko na 'yun, ng mild stroke ko na 'yun. Si Kent," naluluhang sabi ni Boobay.

"'Yung partner ko for eight years, magna-nine years na kami dapat. Na ex ko na lang siya ngayon," dagdag niya.

Ayon kay Boobay: "Hindi ako nakaramdam sa kaniya ng galit noong nag-ask na siya ng freedom sa akin, na ibigay ko na raw sa kaniya na maging single naman na raw siya."

"Hindi ako nagagalit sa'yo, gusto ko lang sana malaman mo na kung sakaling makahanap ka ng bago mong magiging partner, mahalin ka niya nang... kung puwede mas higit pa, kasi magiging masaya ako para sa'yo, hindi ako magtatanim ng galit," pagpapatuloy ng komedyante.

Ayon kay Boobay, si Kent ang nakapansin ng sintomas na nakararanas na siya ng stroke at kaagad siyang dinala sa ospital.

Ikinuwento ni Boobay na ginawa sa kaniya ni Kent ang tinatawag na "FAST," o Facial drooping, Arm weakness, Speech difficulties at Time.

Ilan sa mga sintomas ng stroke na naranasan ni Boobay ay ang hindi na niya magawang itaas ang kaniyang kamay at hindi mabanggit ang mga salitang ipinababanggit sa kaniya at nawawala na rin ang memorya.

Ang "time" ay patungkol sa kahalagahan na madalas kaagad sa ospital ang pasyente para hindi lumala ang kondisyon.

"Kung hindi niya napansin talaga 'yun, baka naka-wheelchair na, hindi niyo na ako nakakausap," sabi ni Boobay tungkol kay Kent.

--FRJ, GMA News