May nakatutuwang sagot si Herlene "Hipon Girl" Budol nang tanungin kung nakatanggap na ba siya ng indecent proposal at kung totoong nabuntis siya. Ang tsismis na buntis siya, posibleng may kaugnayan daw sa kaniyang "almoranas."

Sa programang "Tunay Na Buhay," tinanong si Herlene ng host na si Pia Arcangel, kung nakatanggap na ba siya ng indecent proposal.

"Ano ho ibig sabihin nu'n?" tanong ni Herlene.

"Kumbaga 'one-night-stand,'" paliwanag ni Pia.

"Wala naman ho," ayon sa TV-host-comedianne. "Sa hitsura kong ito, parang choosy ba naman sila para bigyan ako ng bayad na gano'n kahalaga. Wala ho."

"Wala pa naman pong nagbabalak," pahabol pa ni Herlene.

Tinanong din si Herlene kung totoo ba na nabuntis siya, at pinabulaanan niya muli ito.

Ipinaliwanag din ni Herlene kung ano ang posibleng pinagmulan ng kuwento sa kaniyang pagbubuntis nang ipatingin niya sa duktor ang kaniyang almoranas.

"Kasi nagpa-check ako sa OB-GYNE ng almoranas ko po," paliwanag ni Herlene. "Tapos marami lang po nagpa-picture. Akala po siguro nila 'Ay nasa OB-GYNE ito, buntis.'"

Nauna nang ipinaliwanag ni Herlene na hindi muna siya gaanong napanood sa telebisyon dahil nasa lock in taping siya para sa series na “Stories from the Heart” na may pamagat na “Never Say Goodbye.”

"Dalawang buwan po kasing may nagpositive dati, tapos umulit kami ng quarantine, tapos negative na lahat tapos tuloy po kami, kaya ang tagal kong nawala. Akala nila nanganak na ako. Two months, ano ito, aso?" biro niya.-- FRJ, GMA News