Nahuli-cam sa surveillance video ang makapigil-hiningang pag-agaw ng isang baldadong bilanggo sa baril ng isang correctional officer sa Illinois sa Amerika.

Sa video ng Story Full na mapapanood sa GMA News Feed, makikita na inalalayan ng correctional officer ang suspek na si Freedrick Goss, 55-anyos, para humarap sa pagdinig ng korte sa kinakaharap niyang kaso.

Dahil hindi makalakad, inalalayan ng guwardiya si Goss na sumakay sa wheel chair at tinaggal ang posas niya.

Pero nang inaayos ng guwardiya ang kaniyang paa, sinunggapan ni Goss ang baril nito at doon na sila nagsimulang magpambuno.

Kahit baldado, nagawang maagaw ni Goss ang baril at wala nang nagawa ang guwardiya na nakahandusay sa sahig na tila hinihintay na lang na barilin siya ng suspek.

Mabuti na lang at lumabas ang isa pang guwardiya at binaril ang suspek, at nadis-armahan.

Ayon sa Illinois State Police, dinala sa ospital si Goss para gamutin ang tinamong sugat.

Napag-alaman na nakasuhan noon si Goss dahil sa armed robbery at nakipagbarilan din siya noon sa isang pulis. --FRJ, GMA News