Noon pa man ay may nagpaparamdam na raw sa bahay nina Xaris na isang multo ng mapaglaro na batang lalaki. Pero isang araw habang nagbi-video call ang dalaga, ang multo, nahagip daw ng camera.

Sa programang "Aha!," sinabi ng ama ni Xaris na si Leonard, na noon pa man siya ay nararamdaman na nila sa bahay ang mapaglarong multo ng bata.

"Yung bata makulit po yon eh. Minsan lalampas po siyang papuntang CR. Makikita mo talagang may lumampas pero kapag tiningnan mo naman [ang CR] walang tao," kuwento niya.

Dati raw nagpatulog siya ng kaibigan sa kanilang bahay at inabutan niya ang mga ito na gising, nasa sulok, at hinihintay na mag-umaga na dahil sa takot.

Ayon kay Xaris, ganito rin ang nararanasan ng kaniyang mga kaibigan nang matulog ang mga ito sa bahay.

Ang isang kaibigan niya, nakakita ng bakas ng kamay ng bata sa bintana gayung wala naman silang kasamang bata sa bahay.

Ang isa pa niyang kaibigan, may nakuhanan daw na kakaiba sa cellphone video na plano sanang i-upload sa TikTok.

Sinabi rin ni Xaris na isa sa mga ginagawang pangungulit ng "bata" ay buksan ang gripo sa banyo.

"Kinakausap ko pa siya na, 'Puwede ba kung magpaparamdam ka huwag sa tubig kasi mahal ang tubig ngayon,'" pagbiro daw ni Xaris sa multo.

Pero kung dati ay panay lang ang pagpaparamdam ng batang multo, sa isang video call niya sa mama niya ay nahuli-cam daw ang multo.

"Mga around 9 pm po kami nag-usap," sabi ni Xaris sa ginawang kamustahan sa mama niya. Dahil bago ang kaniyang cellphone, naisipan niyang i-video ang kanilang pag-uusap.

Kinalaunan, sinabihan umano siya ng kaniyang mama na suriin ang video ng kanilang pag-uusap dahil may napansin ang kaniyang kapatid na tila may batang dumaan sa kaniyang likuran.

Multo nga kaya ng bata ang nahagip sa camera? Alamin ang ginawang pagsusuri ng isang eksperto sa video at isinagawang imbestigasyon ng isang paranormal resercher sa bahay nina Xaris. Panoorin.

--FRJ, GMA News