Inihayag ng Philippine Embassy sa Japan nitong Lunes na walang Pinoy na nasaktan sa Tokyo train attack ng 24-anyos na lalaking naka-Joker costume nitong October 31, 2021.
Umabot sa 17 katao ang sugatan sa naturang insidente nang silaban ng suspek ang isang bagon ng tren na biyaheng Shinjuku.
Matapos ang ginawang pag-atake, umupo pa sa loob ng tren at nanigarilyo ang suspek.
"Sa kabutihang palad, wala namang Pilipino na napaulat na na-injure," ayon kay Philippine Deputy Chief of Mission to Japan Robespierre Bolivar sa panayam ng Super Radyo dzBB.
"The suspect is now under police custody," dagdag niya.
Sa video na mapapanood sa GMA News Feed, makikita ang mga pasahero na nag-unahan sa paglabas sa mga bintana ng mga bagon.
Inakala pa ng pasahero na Halloween gimik lang ang lahat pero naglabas umano ng patalim ang suspek at nanaksak.
Sa ulat ng local media, sinabi umano ng suspek na gusto niyang pumatay para masentensiyahan siya ng kamatayan.
Tinatayang mayroong mahigit 283,000 na Pinoy sa Japan, at nasa 34,000 nito ang nasa Tokyo.. —FRJ, GMA News