Bumaon at nagsugat na ang kadena sa leeg nang masagip ang isang aso na payat at nanghihina na rin sa Mandaluyong City.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing mga volunteer ng non-profit foundation na Strays Worth Saving (SWS) ang kumuha sa aso.

Nalaman ng SWS ang kalunos-lunos na kalagayan ng aso sa tulong ng isang nagmalasakit na citizen.

Napag-alaman na mayroong may-ari sa naturang aso pero pumayag na raw ito na kunin ng SWS ang alaga.

Ayon kay Pam Gueco, director ng SWS, lumilitaw na hindi na kayang alagaan ng amo ang aso at tila hindi niya talaga alaga ang aso at nakita lang.

Kaagad na dinala sa vet clinic para masuri at magamot ang aso na pinangalanang "Shackles" dahil sa kadena niya sa leeg.

Bagaman payat, nanghihina, at may sugat sa leeg, inaasahan naman na gagaling ang aso.

Napag-alaman na isa lang si Shackles sa mahigit 90 aso na inaaagaan ngayon ng SWS, na itinatag nito lang 2019.

Ayon kay Gueco, prayoridad nilang sagipin ang mga napapabayaan na aso, pusa at iba pang hayop, lalo na ang mga kailangan na kailangan ang tulong.

Pakiusap din nila sa mga planong mag-alaga ng hayop, mag- adopt na lang sa halip na bumili pa.--FRJ, GMA News