Nagsimula sa P600 na taya para subukan ang online sabong, nalulong sa naturang uri ng sugal ang isang lalaki nang sunod-sunod na manalo siya na umabot ng P1 milyon. Pero sa huli, nauwi rin sa wala ang lahat.
Sa programang "Dapat Alam Mo," ikinuwento ng lalaki na itinago sa pangalang "Roman," kung papaano naapektuhan ng pagkalulong niya sa sugal ang kaniyang buhay at ang kaniyang pamilya.
Ayon kay Roman, pinag-aralan muna niya ang proseso sa pamamagitan ng pagtaya ng P600, na umabot kinalaunan sa P6,000.
"'Yung sampu, nanalo ng P9,000, P19,000 totodo ko. Hanggang sa 'pag nanalo ulit, rolling-rolling, kaya umabot ng P1 million 'yon yung P10,000," pahayag niya.
Pero hindi rin nagtagal ang kaniyang napanalunan na P1 milyon.
"Mas nanggigigil po ako 'pag natalo po eh, doon ako nag-iinit. 'Yun palaki nang palaki 'yung taya ko para mabawi yung puhunan ko," patuloy niya.
Naisipan niya noon na tumigil na sa pagsusugal pero bumalik din siya sa bisyong sugal dahil sa hangarin niyang matulungan ang kaibigan.
Ang P10,000 na pera niya, itinaya niyang muli at binuwenas.
Pero iyon din ang naging daan para muling manggigil sa pagtalpak o pagtaya si Roman. Pati ang P300,000 na pera ng kaniyang asawang guro, naisugal niya at naglaho.
Ayon sa isang psychologist, ang gambling addiction ay isang kondisyon na maaaring magamot.
"An [addiction] happens when a person is so invested in one thing which has become uncontrollable and is beginning to damage your relationships with your family and others. It can also affect your job since you're just focused on that one thing—in this case, gambling," anang psychologist.
Saludo naman kay Roman ang counselor sa isang rehab facility dahil sa pagtanggap niya sa sarili na mayroon siyang problema at gumawa siya ng tamang hakbang.
"Pinili ko 'yung landas na 'to, kailangan ko pong panindigan 'yung nangyari, kailangan ko pong bumangon kasi po para sa anak ko, para ang taas din po ng pangarap niya," ani Roman.
– FRJ, GMA News