Hindi inakala ng "Born To Be Wild" host na si Doc Ferds Recio ang mga sumunod na pangyayari nang papakawalan na niya ang sinagip na malaking sawa pabalik sa natural nitong tirahan.
Sa isang episode ng "BTBW," dalawang magkahiwalay na insidente ng pagkawala ng mga alagang ibon at manok ang nakarating sa kaalaman ng programa.
Ang isa ay sa San Pedro, Laguna, kung saan nawala ang alagang African Lovebirds ni Aidan Bonus na nasa hawla sa kanilang bakuran.
Ang huni raw ng mga alagang ibon ang nagiging panggising sa kanila. Pero isang umaga, biglang nawala ang mga huni.
At nang suriin niya ang kulungan ng mga ibon, nawawala na ang dalawa niyang alaga.
Halos ganito rin ang sitwasyon ni Jerry Hornilla, na isa-isang nawala ang mga alaga niyang manok at mga sisiw sa Lipa, Batangas.
Maging ang kanilang mga kapitbahay, nawalan din daw ng mga manok at una nilang inakala na may kawatan sa kanilang lugar.
Hanggang sa isang gabi, nagising si Jerry sa ingay ng manok at nang kaniyang tingnan ang alaga, bumungad sa kaniya ang malaking sawa na nasa itaas ng puno tangay ang inahing manok niya.
Sawa rin ang nasa likod ng pagkawala ng mga ibon ni Aiden. Nahuli niya ang sawa na hindi pa kalakihan at kinalaunan ay buhay niyang ibinigay sa barangay.
Pero mas malaki ang sawa na tumitira sa mga manok ni Jerry na nahuli niya rin nang buhay.
Sinuri ni Doc Ferds ang mga sawa upang alamin ang kalusugan ng mga ito at kung maaari pa ba silang ibalik sa wild, na natural nilang tirahan.
Nang matiyak na ni Doc Ferds na puwedeng pakawan sa wild ang dalawang sawa, naghanap na sila mabundok na lugar kung saan sila ilalagay na malayo sa mga tao.
Pero nang pakakawalan ng ni Doc Ferds ang malaking sawa, nangyari ang hindi niya inaasahan. Panoorin ang kuwento sa video.
--FRJ, GMA News