Huling-huli sa camera ang ginawang pagsakmal ng isang saltwater crocodile sa isang drone na mababa ang lipad habang kumukuha ng video footage ng mga buwaya sa crocodile park sa Darwin, Australia.

Sa ulat ng Reuters, sinabing gamit ang drone, kumukuha ng video footage ang cameraman para sa Australian Broadcasting Corp (ABC) documentary nang biglang makita ang pangil ng buwaya.

Noong una, hindi kaagad nalaman ng cameraman na si Dane Hirst kung ano ang nangyari sa drone. Iyon pala, nilundag na ng buwaya ang drone na dinaanan nito.

 

 

Dalawang linggo makalipas ang naturang insidente, nakita ng park official ang drone na may mga bakas pa ng kagat.

Hindi na ito magagamit pero nakaligtas ang video card ng drone kaya kitang-kita ang nangyari.

Sa halip na itapon ang drone, isinabit ito sa ABC news room.--Reuters/FRJ, GMA News