Nasawi ang isang sanggol na tatlong-buwang-gulang matapos umanong pagpapaluin ng feeding bottle ng kaniyang ama, na naingayan daw sa kaniyang pag-iyak sa Cotabato City.
Ayon sa ulat ng GTV “State of the Nation,” sinabing gumising ng hatinggabi ang 20-anyos na amang suspek para itimpla ng gatas ang kaniyang anak.
Pero nairita umano siya sa pag-iyak ng kaniyang anak kaya niya ito pinagpapalo ng feeding bottle.
Namaga ang mukha ng sanggol at nagkapasa.
Nagsisisi ang suspek sa kaniyang nagawa, at iginiit na hindi siya lasing o gumamit ng ilegal na droga.
Pero hindi itinanggi ng suspek na sinasaktan niya minsan ang kaniyang asawa.
Isasailalim ng pulisya sa drug test ang suspek, na mahaharap sa reklamong parricide. -- FRJ, GMA News