May panibagong "hebigat" na sanggol ang kinagiliwan ng netizens dahil sa pintog na pintog nitong pisngi na isinilang sa isang ospital sa Tarlac via normal delivery kahit pa 5.2 kilograms ang kaniyang bigat.
Itinuturing "miracle baby" ang baby boy na si King Nathan dahil naipit pa ang ulo niya sa puwerta ng ina nang isilang.
Sabi ni Leizel Apolonio, nurse sa Tarlac Provincial Hospital, hirap din huminga ang baby noong ilabas pero naagapan ng mga duktor.
Karaniwan daw na isinasailalim sa cesarean delivery kapag ganitong kalaki ang sanggol kaya bilib sila na nailuwal ang baby sa normal na paraan.
Ito raw ang unang pagkakataon sa naturang ospital na nakapagpaanak ng ganoong kalaking sanggol at via normal delivery.
Bukod sa bigat niyang 5.2 kilogram, umabot sa 49 centimeters ang laki ni Baby King.
Sa ulat ng GMA Regional TV News, sinabing tumagal daw ng dalawang oras ang pagla-labor ng ina ni Baby King na si Abegail Pingol.
"Muntik na rin akong bumigay sa tindi ng pag-iiri," ayon kay Pingol, na nagpasalamat sa mga tumulong sa kanilang mag- ina.
Kamakailan lang, isang hebigat na sanggol na lalaki rin ang isinilang via normal delivery sa Butuan City na may bigat na 11.4-pounds o mahigit 5.1 kilograms.
--FRJ, GMA News