Inilahad ni Rabiya Mateo ang kaniyang karanasan nang makabasa siya ng hate comments noong sumabak siya sa Miss Universe Philippines 2020, tulad nang sabihan siya na "isang kabit kaya nanalo."
"Siguro sobrang dami talaga. Sa sobrang dami parang wala akong maisip. Pero kasi important talaga 'yun eh," sabi ni Rabiya sa "The Boobay and Tekla Show.
"Noong nanalo ako ng Miss Universe Philippines, kasi 'di ba dark horse ako noon, wala akong kapanga-pangalan, galing sa probinsya, siguro ang narinig kong issue is, 'Ah kabit 'yan kaya nanalo 'yan.' And that was nasty," pagpapatuloy ng beauty queen.
Depensa ni Rabiya, pinaghihirapan niya kung ano man ang nararating niya sa buhay.
"Kaya siyempre, isa akong babae kung saan lahat ng mayroon ako pinaghihirapan ko," saad niya.
Ang kaniya raw ina ang una niyang kinausap kapag nakatatanggap siya ng mga hate comment, at pinatatatag niya ang loob nito.
"'Yung first ko talagang ginawa is kinausap ko 'yung mama ko. Kasi for example kung may makikita tayong masasakit na comments, kung ako masasaktan, times 10 'yun sa nanay ko. So siya talaga 'yung sinabihan ko na 'Ma tatagan mo 'yung loob mo kasi 'yung pinasok ko, public property na ako, wala na tayong say kung ano man 'yung gagawing issue ng mga tao.'"
"'Pero ang importante is that alam naman natin na mabuti tayo kahit walang nakatingin sa atin,'" sabi pa ni Rabiya.
Hindi aniya maisip ni Rabiya noon kung bakit nagagawa ng ibang tao na magbigay ng mga masasakit na salita sa ibang tao.
"Ang iniisip ko, 'Bakit ganito 'yung mga tao? Bakit ang sakit nilang magsalita? Bakit napakadali na lang para sa kanila?'"
Gayunman, natuto raw si Rabiya na huwag itong pansinin at kontrolin ang kaniyang sarili.
"Pero we have to understand na hindi mo kontrol kung ano ang sasabihin ng mga tao about sa'yo pero kontrol mo kung paano ka magre-react sa mga sinasabi nila," ani Rabiya. --FRJ, GMA News