Nagpasikat ng mga awiting "Maybe The Night," "Leaves" at "Kathang Isip," at naka-collaborate pa ang mga OPM icons, tunay na naging patok sa mga tao ang Ben&Ben. Paano nga ba nagsimulang mabuo ang kanilang grupo?
Sa "Tunay Na Buhay," binalikan ng kambal na sina Paolo Benjamin at Miguel Benjamin Guico ang pagpasok nila sa music industry bilang duo na "The Benjamins."
"Noong college, sobrang na-inspire lang kasi kami na sumali sa music camp. Si Andrew sumali rin... And eventually the rest of us din," sabi ni Paolo Benjamin.
"After the camp, laging meron kang high eh kasi siyempre, very electrifying 'yung inspiration sa isa't isa, na talagang ang ine-encourage is to really just go for it and pursue your music din," dagdag ni Paolo Benjamin.
Ayon pa sa kambal, hindi nila pinangarap noong bata na maging singer o songwriter.
"Hindi po. Gusto lang naming maging member ng rock band," ayon sa kanila.
Bukod kina Paolo Benjamin at Miguel Benjamin, kasama rin nila sa banda sina Agnes Reoma, Andrew de Pano, Keifer Cabugao, Toni Muñoz, Pat Lasaten, Jam Villanueva at Poch Barretto.
Naka-collaborate na rin ng Ben&Ben ang mga kilalang musical artist tulad nina Zild, Juan Karlos, KZ Tandingan, at Moira Dela Torre.
Nitong pandemya, nabuo ng Ben&Ben ang ikalawa nilang album na "Pebble House, Vol. 1: Kuwaderno" sa tinutuluyan nilang bahay kung saan meron silang studio.
Tunghayan sa Tunay Na Buhay ang inspirasyon ng Ben&Ben sa paglikha nila ng mga kanta. —LBG, GMA News