KAPAG tayo ay humingi ng kapatawaran sa Panginoong Diyos sa ating mga kasalanan, kailangang ipakita natin ang ating pagsisisi sa ating mga gawa at hindi lamang sa salita. (Lucas 7:36-50).
Ang ibig sabihin nito, matapos tayong patawarin ng Diyos sa lahat ng ating mga kasalanan--maliit man o malaki-- huwag na natin itong ulitin. Sa halip, tatahakin natin ang landas tungo sa pagbabalik-loob sa Diyos at pagbabagong buhay.
Ganito ang ating mababasa sa Mabuting Balita (Lucas 7:36-50), tungkol sa kuwento ng isang makasalanang babae na nagtungo sa kinaroroonan ni Hesus para ipakita sa Panginoon ang kaniyang pagsisisi sa lahat ng kaniyang mga kasalanan.
Ipinakita rin ng babae ang kaniyang taimtim na pasasalamat sa Diyos dahil sa kabila ng kaniyang napakaraming kasalanan ay pinatawad pa rin siya ng Panginoon.
Nagpapakita lamang ito na ang ating Diyos ay tunay na mahabagin para sa lahat ng mga nagsisisi at nagbabalik-loob. (Lk. 7:48).
Ipinakita ng babaeng makasalanan sa Pagbasa, na malaking pagmamahal ang kaniyang ipinakita sa ating Panginoong Hesus. Dahil para sa kaniya, ang kapatawaran ng Diyos ay maituturing na isang napakalaking grasya o biyaya buhat sa Diyos.
Malaking pag-ibig ang ipinakita ng babae kumpara sa Pariseong nag-anyaya kay Hesus. Binura ng Panginoong Diyos ang lahat ng utang (kasalanan) ng babae kaya hindi nakakapagtakang ganoon kalaki ang pag-ibig na ipinakita Niya.
Sino nga bang tao ang hindi matutuwa at magagalak. Halimbawang pinatawad ka ng taong pinagkakautangan mo sa lahat ng iyong mga atraso o utang. Hindi mo na kailangan pang problemahin kung saan ka maghahagilap ng pambayad.
Hindi ba't sa sobrang tuwa mo ay mahahalikan mo din siya katulad ng ipinakita ng babaeng makasalanan? Hindi siya huminto sa kakahalik sa paa ni Hesus mula nang pumasok si Kristo sa bahay ng Pariseo. (Lk. 7:45)
May mga taong nagsasabi na kaya sila nangungumpisal ay para magbawas ng kanilang mga kasalanan. Habang ang iba naman ay nangungumpisal para lubos nilang pagsisihan ang kanilang mga kasalanan.
Pero bakit mo nanaisin na magbawas lang ng "dumi" kung magagawa mo namang lubos na maging malinis?
Ang taong totoong nagsisisi ay hinding-hindi na muling magkakasala. Kaya ang wika ni Hesus sa babae sa Pagbasa ay "Iniligtas siya ng kaniyang pananampalataya". (Lk. 7:50)
Manalangin Tayo: Nagpapasalamat kami Panginoon na sa kabila ng aming napakaraming kasalanan ay pinapatawad niyo pa rin kami. Nawa'y maipakita din namin sa aming mga gawa ang aming pagsisisi. AMEN.
--FRJ, GMA News