Nakauwi man ng bansa, hindi na nayakap ng isang ginang na overseas Filipino worker ang kaniyang pamilya matapos siyang matagpuang patay sa kuwarto ng isang hotel sa Cebu City na ginawang quarantine facility.
Sa ulat ni Alan Domingo sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, kinilala ang OFW na si Mercidita Torbeso, taga-Talisay, at nagtrabahong guro sa Cambodia.
Setyembre 1 nang dumating sa Pilipinas si Torbeso, na negatibo sa COVID-19, at idiniretso sa quarantine facility bilang pagsunod sa health protocols para sa mga umuuwing OFW.
Ayon sa anak ni Torbeso na si Ken, mayroong asthma ang kaniyang ina. Kaya nais daw sana nilang madala na lang ito sa ospital pero wala raw silang nagawa.
Pero nang gabi ng Sept. 4, nakatanggap sila ng tawag mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at ibinalita sa kanila ang sinapit ng ina.
Paniwala ni Ken, nagkaroon ng kapabayaan sa parte ng mga namamahala sa quarantine facility at hindi nila nasubaybayan ang kalagayan ng ina kahit batid nilang mayroon itong asthma.
Pinasok lang daw ang kuwarto ng kaniyang ina nang mapansin na hindi nagalaw ang mga pagkain ng OFW na iniiwan sa labas ng kuwarto.
Dagdag pa ni Ken, tanging ang OWWA lang ang nakipag-ugnayan sa kanila at walang medical personnel na kumausap sa kanila para magpaliwanag sa nangyari.
Nilinaw din ni Ken na hindi COVID-19 ang ikinamatay ng kanilang ina batay na rin sa nakalagay sa death certificate nito.
Hindi nakuhanan ng pahayag ang OWWA sa nangyari sa OFW, ayon sa ulat.--FRJ, GMA News