Kasama na sa paglalaro ng online games ang alaskahan. Ang online game streamer na si Giovanni Pacanza, ang maitim na batok at leeg daw niya ang pinupuntirya ng mga kalaban. Alamin ang dahilan kung bakit umiitim ang naturang parte ng katawan?
Sa "Pinoy MD," sinabing kadalasang problema ng mga tao na may sobrang timbang, tulad ng mga obese, ang pagkakaroon ng maiitim na batok, leeg at kilikili.
Si Giovanni, sinabing bumigat ang kaniyang timbang sa kasagsagan ng pandemya. Mula sa 100 kilos, naging 134 kilos na siya at hindi rin nakakapag-ehersisyo.
Hindi rin siya nakapagpapa-checkup at lagi siyang babad sa cellphone.
Sinubukan niyang gumamit ng whitening soap at whitening lotion sa kaniyang leeg at batok pero hindi umubra.
Pero nang magpasuri sa doktor, nalaman na obese ang kondisyon ni Vanni, at papunta na siya sa pagiging diabetic.
Ang kondisyong ito ay tinatawag na "Acanthosis nigricans" o pagkakaroon ng insulin resistance.
Ang insulin ang nililikha ng katawan para kontrolin ang blood sugar. Kaya kung mataas ang blood sugar, dumadami rin ang nililikhang insulin ng katawan.
"Dahil sa insulin nagkakaroon ng skin changes doon sa balat. Ang nangyayari ay napo-produce lalo ang balat ng pigmentation. [Slowing ]down 'yung pagpalit ng balat kaya nangangapal ito," paliwanag ng dermatologist na si Dr. Jean Marquez.
"Usually ito 'yung nangyayari dito sa may mga singit, sa mga madalas na nakukuskos or natatamaan kagaya sa singit, kili-kili at batok," dagdag ni Dr. Marquez.
Bukod dito, ilan pang posibleng dahilan ng Acanthosis nigricans ang pag-inom ng steroids o oral contraceptive pills.
Tunghayan sa video ng "Pinoy MD" kung paano masosolusyunan ang Acanthosis nigricans. Panoorin.
--FRJ, GMA News