Sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga nasasawi sa COVID-19, isang pabrika sa Dehiwala-Mount Lavinia City sa Sri Lanka ang gumagawa ng mga kabaong na gawa sa karton. Bukod sa mura na, may tulong pa umano sa kalikasan.

Sa ulat ng Reuters, sinabing gawa sa recycled paper ang mga karton na ataul, at higit na mas mura sa ataul na kahoy, ayon sa nakaisip nito na si Priyantha Sahabandu, opisyal ng lokal na pamahalaan.

Mas pinipili na umano ng ilang kaanak ng mga nasawi sa COVID-19 na gamitin ang cardboard coffins kapag sinunog o na-cremate ang kanilang mahal sa buhay.

Nitong nakaraang Biyernes, umabot sa 198 ang naitalang nasawi sa bansa sa COVID-19. Sa kabuuan, nasa 7,560 na ang nasasawi dahil sa virus.

Bawat araw, nasa 400 katao ang daily average ng mga namamatay sa Sri Lanka sa iba't ibang dahilan, kabilang na ang COVID-19, ayon kay Sahabandu, miyembro ng municipal council ng Dehiwala-Mount Lavinia, lungsod sa Colombo district.

"To make 400 coffins you have to cut some 250 to 300 trees. To prevent that environmental destruction I proposed this concept to the health committee of the council," paliwanag niya.

"With the spread of the coronavirus, people found it difficult to pay for expensive wooden coffins," ayon pa sa opisyal.

Nagkakahalaga umano ang ataul na karton ng 4,500 Sri Lankan rupees ($22.56) o katumbas ng P1,126.00. Mas mura ito sa 30,000 rupees na ataul na gawa sa kahoy.

Una umanong ginamit ang mga karton na ataul para sa mga biktima ng COVID-19, at nabigyan din ng pansin ng mga nagpapahalaga sa kalikasan.

Nakapag-deliver na umano sila ng 350 cardboard coffins noong unang bahagi ng 2020, at gumagawa sila ng 150 na inorder ng council.

"The majority of the people in the country support this. The issue today is supplying it. We are working on that," ayon kay Sahabandu.

Nitong nakaraang Biyernes, iniutos ni President Gotabaya Rajapaksa ng total lockdown sa loob ng 10 araw dahil sa pagtaas ng COVID-19 cases na dulot ng mas nakahahawang Delta variant.--Reuters/FRJ, GMA News