Itatapon na sana ang bugkos-bugkos na pera na ginamit sa Pilipinas noong panahon ng pananakop ng Hapon. Pero napagpasyahan ng nakakuha nito na itabi ang lumang mga pera sa pag-asang may halaga pa ito at puwedeng maibenta ngayon.
Ayon kay Angelito, driver ng truck na panghakot ng basura, isang katrabaho niya ang nag-abot sa kaniya ng mga pera na nakalagay sa supot noong 2020.
Nang itatapon na niya ang supot, nakita niya na pera ng Hapon o tinatawag na "Micky Mouse Money" ang laman nito.
Ang mga pera ay ginamit noong World War 2, nang sakupin ng Japan ang Pilipinas.
Makikita sa naturang lumang pera ang marka ng Japanese government at ang larawan ng monumento ni Jose Rizal sa Luneta.
Pero nang manalo na ang Amerika sa digmaan, unti-unti na ring nawala sa serkulasyon ang naturang Japanese money.
Naisipan ni Angelito na piliin ang mga pera at itapon ang mga punit na punit na. Ang natira sa kaniya, mahigit 1,000 piraso pa.
Ayon sa isang numismatist, collector's item na ang mga perang hawak ni Angelito.
Ang mga ganitong pera na nasa magandang kondisyon, maaaring magkahalaga raw ng nasa P30 hanggang P40 ang bawat isa.
Kaya kung papasa sa kondisyon ang 1,000 pirasong lumang pera na hawak ni Angelito, maaaring magkahalaga ito ng P30,000 hanggang P40,000, bagay na malaking tulong daw sa kaniya.
Ganito nga kaya ang presyo ng mga pera Japanese money ni Angelito? Alamin ang kasagutan sa video ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," at bakit kaya siya hinanap ng kaibigan na nagbigay sa kaniya ng supot ng pera? Panoorin.
--FRJ, GMA News