May bagong social media darling ang netizen sa katauhan ng kuwelang online live seller na si "Madam Inutz." Pero sa likod ng kuwela at masayahing mukha, isang mapagmahal at responsable siyang anak sa kaniyang inang bedridden matapos ma-stroke.
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, sinabing Daisy Cabantog, ang tunay na pangalan ni Madame Inutz.
Pero sa kaniyang online live selling ng mga kasuotan, kapansin-pansin na libu-libo ang tumatambay o nanonood sa kaniya pero walang nagma-"mine" o bumibili, at sa halip ay walang ginawa kung hindi magpabati.
Kaya naman si Madame Inutz, short for inutil, madalas humirit ng mga pakuwela at magbitiw ng mga tiradang biro na dahilan para siya mai-report.
Pero kahit binasagang "Madame Inutz," hindi inutil si Daisy dahil batak sa paghahanapbuhay si Daisy na namulat sa mahirap na buhay.
At maliban sa tatlong anak na kaniyang binubuhay, inaalagaan din niya ang kaniyang inang limang taon nang nakaratay sa banig ng karamdaman matapos na ma-stroke.
"Ang ikinakatakot ko number one mawala siya," emosyonal na sabi ni Daisy.
Sa abot daw ng kaniyang makakaya, hindi niya pababayaan ang kaniyang ina.
Pero nangyari na raw kanila noon na wala silang mapaghugutan ng pera.
Kaya naman may pakiusap siya sa mga nag-rereport ng kaniyang live selling dahil lang daw sila ngayon kumukuha ng panggastos sa pamilya.
Tunghayan ang kuwento at kilalanin pa si Madam Inutz sa video na ito ng "KMJS."
--FRJ, GMA News