Sa pagdulog natin sa Diyos, kailangan nating maging matiyaga gaya ng babaeng Cananea (Mateo 15:21-28).
Ang ating pananalangin sa Panginoong Diyos ay kinakailangan din ng tiyaga. Mahalaga na mahaba ang ating pasensiya sa paghihintay.
Hindi naman kasi ibig sabihin na kapag tayo ay nanalangin sa Diyos, ibibigay na agad niya ito. At kung sakaling hindi man Niya ibigay ang iyong hiling, hindi rin ibig sabihin na wala kang halaga sa Kaniya. Maaaring iba ang inilalaan Niya sa iyo.
Ang pagsasalarawang ito ay may pagkakahawig sa ating Mabuting Balita (Mateo 15:21-28) tungkol sa kuwento ng isang babaeng Cananea na lumapit kay Hesus dahil sa anak niyang babae na sinapian ng demonyo at labis na pinahihirapan.
Bagama't hindi kalahi ni Kristo ang nasabing babae, sapagkat Siya'y isang Hudio at ang mga Hudio ay hindi nakikisalamuha sa mga Cananea, hindi pa rin ito naging hadlang sa babae na humingi ng tulong sa Anak sa anak ng Diyos.
Kung susuriin nating mabuti, mapapansin natin ang limang karakter na ipinakita ng babaeng Cananea na hindi nagsawa at huminto sa kaniyang pagsusumamo kay Hesus upang gumaling ang kaniyang anak.
Lakas ng loob:
Batid ng babaeng ito na hindi sila magkalahi at magkauri ni Hesus. Kaya maaaring alam niya na puwede siyang tanggihan ni Hesus sa kaniyang kahilingan. Subalit hindi siya nasiraan ng loob at nanalig pa rin siya kay Kristo.
Pag-ibig:
Nanaig sa babaeng Cananea ang labis na pag-ibig niya sa kaniyang anak. Nais ipakita ng Pagbasa ang likas na pag-ibig ng isang ina para sa kaniyang mga anak. Nakahanda nilang isakripisyo ang lahat maging ang mismong sarili nila alang- alang sa kaniyang mga anak.
Determinasyon:
Kahit sinabi ng mga Disipulo kay Kristo na nakakagambala lamang ang babaeng ina at may kakulitan dahil sa sunod nang sunod, hindi pa rin siya huminto sa kaniyang hangarin at hindi siya nasiraan ng loob. (Mateo 15:23)
Marahil kung sa ibang tao ito mangyari, maaaring hindi na nila ipagpapatuloy ang paglapit kay Hesus. Subalit hindi ang babaeng Cananea, ipinakiya niya ang kaniyang malakas na determinasyon.
Pananampalataya:
Kahit winika sa kaniya ni Hesus na hindi dapat kunin ang pagkain ng mga bata para ihagis sa mga aso. (Mateo 15:26) Hindi nagbago ang pananalig ng babae sa kapangyarihan ng Panginoon. Nanatili ang kaniyang tiwala.
Hindi ito nangangahulugan na nais ni Hesus na hamakin ang babae na inihalintilad sa aso. Subalit nais lamang ipakita ng Ebanghelyo na sinusubukan lamang ni Kristo ang katatagan ng babaeng Cananea.
Kababaan ng loob:
Ang nakakatawag pansin sa karakter na ipinakita ng Pagbasa ay ang kababaan ng loob ng babae.
Ito rin ang nais ituro sa atin ng Ebanghelyo na sa tuwing dudulog tayo sa Diyos para hilingin ang kaniyang tulong, mahalaga na mayroon tayong kababaan ng loob.
Ganito ang matutunghayan natin ng sabihin ng babae na kahit mga mumong nalalaglag sa hapag ng kanilang Panginoon ay kinakain ng mga aso. (Mateo 15:27)
Hindi mahalaga para sa babae kung maliit lamang ang biyayang matanggap niya mula sa Diyos. Hindi mahalaga para sa babaeng Cananea kung matatagalan bago ibigay ng Diyos ang kaniyang hinihiling. Ang mahalaga para sa kaniya ay ang kahandaan niyang maghintay.
MANALANGIN TAYO: Panginoon, nawa'y matularan namin ang babae sa Pagbasa na hindi nasiraan ng loob at nanindigan sa kaniyang pananampalataya. Nawa'y ganito rin ang aming matularan sa tuwing kami ay dudulog sa iyo. AMEN.
--FRJ, GMA News