Nagpositibo sa COVID-19 si Manila Mayor Isko Moreno. Nangyari ito isang linggo matapos mahawahan din ng virus ang kaniyang bise alkalde na si Honey Lacuna-Pangan.
Sa pahayag ng inilabas ng Manila Public Information Office nitong Linggo, sinabing 6:48 pm ay papunta si Moreno sa Sta. Ana Hospital.
"Nakararamdam ako ng kaunting ubo, kaunting sipon. Masakit ang aking katawan ngayon," anang alkalde.
Sa kabila nito, tiniyak ni Moreno sa kaniyang mga kababayan na tuloy ang operasyon ng lokal na pamahalaan at paglaban sa COVID-19 pandemic.
"Kapit lang. Tuloy ang buhay. Tuloy pa rin ang gobyerno sa Maynila. Umasa tayo, magtiwala tayo sa Diyos, makararaos din tayo," saad niya.
Nitong Linggo, inihayag ng Department of Health na 14,749 ang bagong mga kaso ng COVID-19. Pumalo naman sa 102,748 ang mga aktibong kaso.
Nakapagtala naman ng 10,720 ng mga bagong gumaling, habang 270 pasyente pa ang mga nasawi.— FRJ, GMA News