Matapos i-post ng isang babae ang naging karanasan niya sa dating jowa, nakilala niya ang iba pang mga babae na kasabay pala niyang pinaibig at pinaasa ng iisang lalaki na kanilang minahal.
Pero hindi lang basta nakilala ni Liezl Chiu ang ibang kapuwa niya babae na nabiktima ng babaero nilang ex-BF na nasa 30, dahil naging kaibigan din niya ang mga ito.
Sa ulat ni Abby Espiritu sa “Stand for Truth,” sinabing nagulat si Chiu nang makipag-ugnayan sa kaniya ang iba pang babae nang i-post niya ang kaniyang karanasan.
Sinabi ng mga babae na nangyari din sa kanila ang nangyari kay Chiu tungkol sa naging nobyo nila na ang karamihan ay nakilala gamit ang dating apps.
“Nu’ng month namin, ina-alternate pala niya. So kunyari this day, then tomorrow, then ako,” ayon kay Chiu.
Sa isang group chat, inilahad ng mga babae ang kanilang karanasan.
“Ang intensyon ng group chat is ma-validate ‘yung feelings namin. Si guy nga magaling siya mag-manipulate, baka akala nila nung time na ‘yun baka sila ‘yung nag-crazy,” saad ni Chiu.
“The fact na marami palang babae ‘yung nag-speak up tapos pare-parehas ng experience, nakakalakas ng loob,” dagdag niya.
Ayon kay Chiu, si Patricia Gonzales ang unang "ex" na nakipag-ugnayan sa kaniya.
Sabi ni Gonzales, “Ang nauna kong naisip was bakit? Ano ‘yung hindi ko naibigay. Ano ‘yung mali sa akin, ano ‘yung kulang, diba?”
“So having that support group or having that group chat na parang nakakampante ako na, okay, wala akong ginawang mali, wala akong ginawang kulang, walang mali sa akin,” patuloy niya.
Para naman kay Angela Deang, isa iyong paraan para tulungan nila ang isa't isa.
“One is support sa amin, sa aming mga babae na naloko niya. I wanted to know what happened to the girls kung ano ‘yung ginawa niya, kung pare-parehas ba kami ng sitwasyon,” pahayag ni Deang.
Ayon sa family and relationship consultant na si Aiza Caparas-Taboboyong, pagkakataon iyon para matuto.
“Hopefully, you don’t fan, you know, hindi natin pinapalaki ‘yung pain ng bawat isa. Pero tinutulungan natin ‘yung bawat isa na maghilom nang mas mabilis, na maghilom na kaagad and to pick up the lessons. So empower each other,” sabi niya.
Ano nga ba ang peligro sa pagkakaroon ng karelasyon sa dating apps? At ano ang mga red flag na dapat bantayan kung nagtataksil na ang iyong minamahal? Panoorin ang buong report.
—FRJ, GMA News