Huwag natin husgahan ang isang nagkasala. Sa halip ay tulungan natin sila para makabangon at magbago (Juan 8:1-11).

Napakapalad natin sapagkat ang ating Diyos ay isang Diyos na mahabagin. Madali Siyang mahabag sa mga nakagagawa ng pagkakamali.

Siguro kung ang Diyos natin ay isang Diyos na sobrang mahigpit o malupit, baka lahat ng makasalanan ay hindi na Niya bibigyan ng pagkalataon para magsisi at magbago. Lahat siguro ng nagkasala ay diretso na agad sa impiyerno.

Sa Mabuting Balita (Juan 8:1-11), matutunghayan natin na hindi madaling manghusga ang Panginoong Diyos para sa mga taong nakakagawa ng kasalanan kahit gaano pa ito kabigat.

Katulad ng isang babaeng dinala kay Hesus ng mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan matapos mahuling nangangalunya ang babae. (Jn. 8:3-4)

Ang mga tao, sumisigaw na dapat daw na batuhin hanggang sa mamatay mga katulad ng babae, alinsunod sa Kautusan ni Moises. (Jn. 8:5)

Subalit hindi kumikibo si Hesus habang nakayuko at sumusulat sa lupa gamit ang kaniyang daliri. (Jn. 8:6).

Sa patuloy na pagtatanong kay Hesus kung ano ang dapat gawin sa babae, sinabi Niya sa mga tao: "Ang sinumang walang kasalanan sa inyo ang siyang maunang bumato sa kaniya."

Ang kuwento tungkol naman sa Alibughang Anak (Lucas 15:11-32) ang isa sa pinaka-magandang kuwento na mababasa natin sa Bibliya.

Sapagkat sa kuwentong ito, muling tinanggap ng ama ang kaniyang alibughang anak. Isang anak na sobrang pasaway, ang tawag ng ibang tao sa ganito ay "itim na tupa" sa loob ng isang pamilya. Sila ang nagdadala ng problema sa kanilang magulang.

Matutunghayan natin sa kuwentong ito na sa halip na itakwil ng ama ang kaniyang salbaheng anak, ito'y kaniyang niyakap at muling tinanggap; hindi bilang isang itim na tupa, kundi isang tupang naligaw at muling natagpuan.

Hindi niya kinondena ang kaniyang anak at isinumbat o kaya naman ay ipinamukha ang mga pagkakamali nito. Kundi tinanggap ng ama ang anak  nang buong-buo na para bang isang taong matagal na nawalay sa kaniyang piling.

Ano nga ba ang gagawin natin sa isang taong nadapa? Hindi ba't tutulungan natin siyang makabangon? Bakit pa natin lalong ilulugmok ang isang taong nakadapa na o kaya naman ay nakahandusay na?

Itinuturo sa atin ng Pagbasa na ang Diyos ay hindi madaling manghusga sa mga taong nakakagawa ng kasalanan. Kaya naman nadidinig natin kung minsan ang katagang: "Kung ang Diyos ay marunong magpatawad, tayong tao pa kaya?"

Hindi lahat ng Santo ay isinilang na Banal? May mga nagkasala rin at nagkamali ngunit nagbalik-loob sila sa Diyos at nagbagong buhay.

Kaya bakit natin huhusgahan kaagad ang isang makasalanan kung puwede naman siyang bigyan ng pagkakataon para magbago. Sabi nga ng iba, huwag at bawal maging judgemental.

Manalangin Tayo: Panginoong Hesus, turuan Mo po kaming huwag basta maging mapanhusga sa mga taong nagkakasala. Sa halip ay gabayan Mo kami kung papaano namin sila matutulungan na makabangon at magbago upang magbalik-loob sa Iyo. AMEN.

--FRJ, GMA News