Hindi ikinakahiya ng isang lalaki ang kaniyang pinanggalingan matapos siyang isilang at lumaki sa Angeles City Jail sa Pampanga kasama ang nakabilanggong ina at lola. At dating paslit, nagsikap na mag-aral at ngayon ay isa nang guro.
Sa ulat ni Jasmin Gabriel Galban sa GMA Regional TV News nitong Lunes, ibinahagi ng 27-anyos na si Paolo Oliver Pili, ang kuwento ng kaniyang buhay.
Ipinagbubuntis siya noon ng kaniyang ina nang makulong ito kasama ang kaniyang lola dahil sa kasong estafa.
Sa loob na ng kulungan ipinanganak si Pili, at naging tirahan niya sa loob ng 26 na taon.
Dahil wala silang komunikasyon sa mga kaanak sa labas, pumayag ang pamunuan ng city jail na doon na alagaan at palakihin si Pili.
Kuwento ni Pili, nagkaroon ng maliit na tindahan ang kaniyang ina sa loob ng bilangguan na napagkukunan nila ng panggatos.
Sa kabila ng kaniyang kalagayan sa loob ng city jail, pinili ni Pili na magsimulang mag-aral ng elementarya sa isang paaralan na malapit sa bilangguan.
"May school kasi na malapit lang sa jail," saad niya. "Sa totoo niyan bago ako mag-aral, challenge for me and my mom and my lola."
Marami raw ang may gustong umampon kay Pili pero hindi siya pumayag at pinili pa rin niya ang piling ng kaniyang ina at lola.
Sa tulong at suporta na rin ng mga iba pang bilanaggo, jail officers at ilang pari sa Pampanga, nakapagtapos si Pili ng kursong BS Education sa Holy Angel University.
Naging iskolar si Pili sa naturang unibersidad at doon na rin siya kasalukuyang nagtuturo.
"Siguro isa sa mga reason kaya siguro natapos ko o naabot ko ang mga pangarap ko dahil sa pagiging positive person ko," ayon kay Pili.
"I don't think the things around me as a negative kasi yung mga prisoner doon, makikita mo ang bibigat ng nararamdaman nila pero lumalaban sila. They continue to pray, they continue hoping na one day they will go outside and I achieved that attitude," patuloy niya.
Sa ngayon, kumukuha ng master's degree in physical education and sports si Pili, at masaya nang namumuhay at gumagawa ng mga bagong alaala sa labas ng kulungan... kasama ang kaniyang ina at lola. --FRJ, GMA News