"Huwag kayong gumamit ng masasamang salita kundi iyong makapagpapalakas ng loob at angkop sa pagkakataon upang makapagdulot ito ng mabuti para sa mga taong makakarinig". (Efeso 4:29).
Noong aking kabataan, malimit kong masaksihan kung paano murahin at pagsabihan ng mga hindi maganda ang mga kaibigan ko nang sarili nilang ina.
Kaya kung ano ang ginawa at pagtrato sa kanila ng kanilang nanay noong bata pa sila at ganoon din ang ginagawa nila ngayon sa kanilang mga anak. Minana nila ang masamang halimbawa sa kanilang ina.
Itinuturo sa atin ng Mabuting Balita (Mateo 18:15-17) na mahalaga ang paggamit natin ng diplomasya upang kausapin ang ating kapatid, anak o sinoman na naliligaw ng landas o napapariwara.
Sinasabi sa Ebanghelyo na kung magkasala sa atin ang ating kapatid, itinuturo sa atin na puntahan natin siya at kausapin nang sarilinan tungkol sa nagawa niyang kamalian. (Mateo 18:15)
Ipinapaalaala sa atin ng Pagbasa na sa pakikipag-usap natin sa ating kapatid, mahalaga na gumamit tayo ng mga salitang pakikinabangan niya at kikintal sa kaniyang puso't isipan.
Sapagkat ang pinaka-pangunahing layunin natin sa pakikipag-usap sa ating kapatid ay ang mahikayat natin siyang magbalik-loob sa Diyos at yakapin ang isang pamumuhay na matuwid.
Mahalaga na maipaunawa natin sa ating kapatid ang kaniyang mga kamalian sa pamamagitan ng paggamit ng mga mabuti at mahinahong salita.
Tandaan natin na hindi makakatulong ang mga masasakit at hindi magandang salita na mamumutawi sa ating bibig na posibleng magpalala pa sa kaniyang nagpupuyos na kalooban.
Pinapaalalahanan din tayo ng Pagbasa na bukod sa diplomasya o paggamit ng mabubuting salita, mahalaga rin na mahaba ang ating pasensiya.
Sakaling ayaw makinig sa ating pangaral ang ating kapatid, maaaring magpatulong sa ibang tao na kilala natin na maaaring kumausap at mangaral sa kaniya. (Mateo 18:16-17).
Itinuturo sa atin ng Ebanghelyo na hindi natin dapat basta susukuan ang ating kapatid o mga minamahal dahil lamang matigas ang kaniyang ulo.
Alalahanin natin ang kuwento tungkol sa Alibughang Anak (Lucas 15:11-32), na hindi nagsawa ang Ama sa kahihintay sa pagbabalik ng kaniyang anak na naglayas at gumawa ng kabuktutan.
Sa halip, magandang salita ang namutawi sa kaniyang bibig nang magbalik sa kaniyang piling ang alibughang anak. Hindi niya sinumbatan o pinagwikaan ng hindi maganda.
Ating alalahanin na itatanim sa kanilang puso at isipan ang mga gagawin at sasabihin natin sa kanila. At asahan natin na iyon din ang gagawin nila sa mga taong makakasalamuha at makapipiling nila.
Ika nga, kung ano ang ating itinanim, iyon ang kanilang aanihin.
Manalangin Tayo: Panginoon, hinihiling namin na nawa'y huwag po kaming gumamit ng hindi magagandang salita sa aming kapuwa. Makita nawa nila sa amin ang isang pamumuhay na maka-Diyos. AMEN.
--FRJ, GMA News