Sa nakaraang tatlong araw, umabot na sa mahigit 370,000 Facebook followers ang nawala kay Nas Daily, o Nuseir Yassin, dahil sa kontrobersiya tungkol sa traditional tattoo artist na si Whang-Od at entrepreneur na si Louise Mabulo.
Sa Facebook analytics tool na CrowdTangle, makikita na Agosto 4 nang magsimulang mabawasan ng followers si Nas.
Ang naturang petsa ang araw na nagsalita ang apo ni Whang Od na si Grace Palicas, laban sa Whang-Od Academy ng Nas Academy.
Ayon kay Grace, walang pinirmahang kontrata ang kaniyang lola sa naturang programa ni Nas, at napagsamatahan umano ang kanilang kultura.
Mula sa dating 20.98 million followers noong Aug. 4, bumaba ito sa 20.59 million.
Noong Hunyo, inihayag ng Palestinian-Israeli vlogger na makikipag-collaborate siya sa ilang propesyonal para sa kaniyang Nas Academy upang ibahagi ang kanilang kaalaman sa industriya na kanilang kinabibilangan--at isa rito si Whang-Od.
Pero nakatanggap ng mga batikos si Yassin nang magbigay ng pahayag si Grace tungkol sa kaniyang lola na kilala bilang isang "mambabatok" o tattoo artist.
Sa naturang Facebook post ni Grace na hindi na nakikita ngayon, humingi siya ng tulong sa publiko na matigil ang umano'y “disrespect to the legacy of Apo Whang Od and the Butbot Tribe.”
Naglabas naman si Yassin ng 22-second video para patunayan na may kontrata umanong pinirmahang kontrata sa kaniya si Whang Od na gamit ang thumbprint.
Nandoon din ang kaanak nilang si Estella Palangdao.
“This is the clearest evidence that it is not a scam and achieved the consent of her and her immediate family,” sabi ni Yassin.
Kasunod ng naturang post, nagsalita naman si Cacao Project founder Louise Mabula tungkol sa umano'y karanasan niya sa kontrobersiyal na vlogger.
Tinawag niya itong walang galing and “didn’t care about making change or shedding light on real issues—he only wanted content, a good, easy story to tell that would get him more Filipino view.”
Sinagot na ni Yassin ang naturang pahayag ni Louise pero may iba pang usapin na naglalabasan patungkol sa kaniya.
Magsasagawa na rin imbestigasyon ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) - Cordillera Administrative Region (CAR) tungkol sa umano'y kongresta nina Whang-Od at Yassin sa Nas Daily. – FRJ, GMA News