Binaril at pinatay sa labas ng kanilang bahay sa Davao City ang isang abogada at kaniyang mister. Ang biktimang babae, may programa sa radyo na nagbibigay ng payong legal.
Sa ulat ni RGil Relator sa GMA Regional TV "One Mindanao," kinilala ang mga biktima na si Atty. Hilda Mahinay Sapie, at mister niyang Muhaimen Mohammad Sapie.
Napag-alaman na may online at radio program ang mag-asawa na “Justice Redeemer,” kung saan nagbibigay sila ng libreng payong legal.
Pero nitong Miyerkules ng hapon, binaril ang mag-asawa sa labas ng kanilang bahay sa Barangay Talomo sa nasabing lungsod.
Isinagod sila sa ospital pero binawian din ng buhay.
Patuloy na inaalam ng mga awtoridad kung may kinalaman sa trabaho ng mga biktima ang krimen, at sino ang salarin.
Kinondena naman ng Integrated Bar of the Philippines-Davao Chapter ang krimen, at labis silang nababahala.
"Parang na-shock tayo nito sa pangyayari. Kasi if related ito sa work, 'yong pagpatay medyo alarming ito because as lawyers we are just doing our job. Walang personal ito, trabaho lang ito," ayon kay Atty. Maceste Uy, presidente ng IBP-Davao Chapter. --FRJ, GMA News