Humingi ng payong legal ang isang lalaking netizen sa "Sumbungan Ng Bayan" kaugnay sa kaniyang misis na natuklasan daw niyang may kinakasamang lesbian habang nagtatrabaho sa Oman.
Ayon kay Atty. Kris Gargantiel, hindi maaaring kasuhan ng mister ang kaniyang asawa ng adultery.
Paliwanag ng abogado, ang adultery ay krimen na ginawa ng isang babaeng may asawa at ng "paramour" o lalaking hindi niya asawa, at may nangyari sa kanilang sexual intercourse.
Pero sa sitwasyon ng lalaking netizen, ang kalaguyo ng kaniyang misis ay lesbian o hindi isang "biological" na lalaki na nakasaad sa Revised Penal Code.
Pangalawa, mayroon ding "territoriality" ng mga criminal law, kung saan maaari lamang parusahan ang mga krimen sa Pilipinas, kung dito sa bansa ginawa ang krimen.
Kaya naman hindi pasok ang adultery ng kaniyang asawa dahil na rin sa territoriality.
Gayunman, kung pinarurusahan sa Oman ang krimen ng kaniyang misis, maaari itong magkaroon ng kaso sa bansang iyon.
Para magawa ito, maaaring makipag-ugnayan ang netizen sa employer ng kaniyang asawa para isumbong ito.
Pero pagdating sa Pilipinas, maaaring maging ground para sa legal separation o annullment ang ginawa ng kaniyang misis.--FRJ, GMA News